Karagdagang 24,000 ektarya para sa organic farming, target ng DA IV-A ngayong 2023

LUNGSOD NG CALAMBA (PIA) – Nais ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA IV-A) na madagdagan karagdagang 24, 883.45 ha. ang kasalukuyang 22,927.94 ha. taniman para sa organikong pagsasaka sa rehiyon.

Ito ang isinusulong ng DA IV-A Organic Agriculture Program (OAP) sa isinagawa nitong Information Caravan on Organic Agriculture sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, at Rizal noong Pebrero 14 at 17.

Upang makamit ito, patuloy na hinihikayat ng DA ang mga lalawigan na bumuo ng mga ordinansa na layuning patatagin at palawigin ang organic farming sa kani-kanilang nasasakupan.

Ayon sa DA IV-A OAP, nilalaman ng nasabing ordinansa ang tungkulin ng pamahalaang panlalawigan upang mapangalagaan ang kalikasakan sa pamamagitan ng organikong pagsasaka at ang kanilang suporta na makapag-ani ng ligtas, masustansya, at sariwang pagkain para sa mga mamamayan.

Ayon naman kay DA-4A Regional Technical Director for Research and Regulations at OAP Coordinator Eda Dimapilis, sa kasalukuyan ay mayroong 12,179 organikong magsasaka magsasaka sa rehiyon. Mayroon namang 373 samahan para sa Organic Agriculture, 66 learnings sites, 17 na third party certified farms, at pitong Participatory Guarantee System certified farms sa rehiyon.

Nasa tatlong porsyento ang naiaambag ng sektor ng organic farming para sa produksyon ng pagkain sa rehiyon. (PB/DA IV-A)

In other News
Skip to content