STO. TOMAS CITY, Batangas (PIA) — Nasa 30 kababaihang Tomasino ang nakibahagi sa isinagawang Bagong Calabarzon Barangay Forum na ginanap sa Sto. Tomas City Conference Room sa Lungsod ng Sto. Tomas noong ika-6 ng Nobyembre,2024.
Ang mga lumahok dito ay mga Pangulo ng Tanglaw Tomasino, isang organisadong samahan ng mga kababaihan mula sa 30 barangay ng lungsod.
Nagsilbing resource speakers mula sa Department of Trade and Industry-Batangas sina Marvin Garcia – Trade and Industry Development Specialist at Veronna Marie Caponpon- Negosyo Center Sto. Tomas Business Counsellor kung saan tinalakay nila ang iba’t ibang mga karapatan ng mamimili at mga programa at serbisyong ibinibigay ng DTI Batangas.
Ayon kay Garcia, mayroong walong karapatan ang mga mamimili na kailangang malaman ng mga ito. Kabilang dito ang right to basic needs, right to safety, right to information, right to choose, right to representation, right to redress, right to consumer education at right to healthy environment.
Bukod sa karapatan mayroon ding kaakibat na responsibilidad ang mga mamimili at kabilang dito ang pagtatanong sa sarili, pagiging alerto, pagsiguro sa maayos na transaksyon, pagiging organisado at pagkakaroon ng konsiderasyon sa kapaligiran kaugnay ng mga bagay o gamit na binibili.
Dagdag pa ni Garcia na bagama’t nakatutok ang kanilang ahensya sa mga consumer goods, ipinapatupad nila ang “no wrong door policy” kung saan ang mga reklamo o concerns ng mga mamimili ay kanilang tinatanggap at kung wala sa kanilang nasasakupan ay direkta itong dinadala sa ahensyang sumasakop dito.
Tinalakay naman ni Caponpon ang mga programa ng DTI na makakatulong o magbibigay ng mas ibayong kaalaman sa mga maliliit na negosyo particular sa mga micro-small and medium enterprises (MSMEs) kabilang ang tinatawag na 7M’s.
Kabilang dito ang mindset change, mastery, mentoring, money, machine, market access at models of negosyo.
Ilan sa mga ito ang Kapatid Mentor Me Program (KMME), pagpapaunlad ng Negosyo Center na inilalagay sa bawat bayan at lungsod, microfinance programs, shared service facilities, one town-one product (OTOP), Go Lokal at marami pang iba.
Sa mensahe naman ni Atty. Arth Jhun Marasgan, alkalde ng lungsod, pinasalamatan nito ang inisyatibo ng Philippine Information Agency Calabarzon katuwang ang DTI Batangas sa pagtataguyod ng programang tulad ng Barangay Forum na siyang bumababa sa mga barangay upang ipabatid ang mahahalagang impormasyon sa publiko.
“Sana mas nadagdagan ang kaalaman ng ating mga kababayan particular ang mg aina ng tahanan ukol sa matalinong pamimili at mga kaakibat na karapatan at responsibilidad. Buong lugod naming sinusuportahan ang mga ganitong gawain sapagkat malaki ang tulong nito sa ating mg akababayan,” ani Marasigan.
Sa huli ay isinagawa ang open forum kung saan binigyang-linaw ang mg akatanungan at iba pang concerns ng mga dumalo sa naturang forum. (BMPDC-PIA BATANGAS)