NMIS tinututukan ang suspected case ng ASF sa Cagayan

TUGUEGARAO CITY, Cagayan (PIA) – – Muling hinigpitan ng mga otoridad ang pagbibiyahe ng mga baboy at ang monitoring sa mga ibinebentang karne nito sa mga pamilihan sa lalalawigan ng Cagayan matapos magakaroon ng suspected case ng African Swine Fever (ASF) ang isang slaughter house sa lalawigan.

Ayon kay Dr. Ronnie Ernst Duque, regional director ng National Meat Inspection Service (NMIS) Region 2, agad ipinasara ng lokal na pamahalaan ang isang slaughter house matapos makatanggap ang mga opisyal ng ulat na may mga nakatay na mga baboy rito na pinaghihinalaang may ASF. 

Sa ngayon ay nasa lugar na ang mga kawani ng NMIS upang magsagawa ng imbestigasyon habang ang Provincial Veterinary Office naman nagsasagawa ng swabbing upang makumpirma kung may ASF sa lugar. 

“They go there to conduct swabbing. Swabbing, meaning aalamin if merong presence ng ASF virus sa premises, sa mga equipment, scalding bag, slaughtering table at iba pa. Lahat yan isu-swab nila para makita kung ang ASF virus ay nandun pa sa area,” pahayag ni Duque.

Sa ngayon hinihintay pa ang kumpirmasyon mula sa Regional Disease Diagnostic Laboratory sa swab test na isinagawa kung ito ay positibo sa ASF o hindi.

Hinikayat rin ng NMIS ang mga lokal na pamahalaan na higpitan na ang pagbabantay sa mga pumapasok at lumalabas na mga baboy sa kanilang mga lugar upang hindi na kumalat muli ang ASF virus. 

“The protocol is intensive disinfection and cleaning of the premises. Yun ang pinuntahan ng ating mga kasamahan doon to supervise and see to it na lahat ng protocols sa pagkontrol sa virus ay nasusunod,” pahayag ni Duque.

Hinikayat rin ni Director Duque ang mga nag-aalaga ng baboy na kung may mga sintomas na ng pagkakaroon ng sakit ang kanilang mga alaga ay isangguni agad ito sa kanilang mga  beterinaryo sa kanilang mga munisipyo.

Mahalaga rin aniya na lahat ng mga kakataying baboy ay dadaan sa slaughter house. 

Bagamat may mga suspected cases ng ASF sa probinsiya, siniguro naman ng NMIS Region 2 na sapat pa rin ang suplay ng baboy sa lalawigan, gayonman, aminado ang ahensiya na tumaas muli ang presyo ng karne ng baboy sa mga pamilihan. (OTB/PIA Region 2)

In other News
Skip to content