Kauna-unahang ALS Learning Center, pinasinayaan sa Boac

BOAC, Marinduque (PIA) — Pormal nang pinasinayaan at ipinagkaloob kamakailan ng lokal na pamahalaan ng Boac ang bagong gusali ng Alternative Learning System (ALS) sa Boac South Central School.

Ang naturang gusali na pinondohan ng Boac LGU ng halagang P2 milyon sa ilalim ng Special Education Fund ang kauna-unahang Alternative Learning Center sa buong lalawigan.

Sa mensaheng ibinahagi ni Mayor Armi Carrion, pinasalamatan niya ang pagsisikap ng bawat isa na maisakatuparan ang pagpapatayo ng establisyemento para sa mga ALS student.

“Maraming salamat po sa pagkakataong ito na maituturing na gintong hagdan ng tiyaga at pagsisikap ng lahat na nagbubuklod sa ating dakilang pagkilos upang maipatayo ang gusaling ito,” pahagay ni Carrion.

Sinabi pa ng alkalde na sa tulong ng bagong gusali ay mas gumanda ang antas ng edukasyon sa bayan ng Boac, gayundin walang maiwan na mga kabataan at lahat ay mabigyan ng pantay na karapatan sa pag-aaral para matupad ang kanilang mga pangarap na makapagtapos.

Masaya ring ibinalita ng punong bayan na kasalukuyan ng ginagawa ang isa pang gusali ng ALS para sa Boac North District na matatagpuan sa Don Luis Hidalgo Memorial School kung saan ay nasa P2 milyon din ang pondong inilaan ng lokal na pamahalaan.

“Katulad po ng aking nabanggit sa ilan nating mga pagpupulong, plano at nais po ng ating administrasyon na makapagpatayo pa ng Alternative Learning Center sa natitira pang mga distrito dito sa ating bayan,” dagdag ni Carrion.

Samantala, ibinahagi ni ALS Focal Person Rolito Dela Cruz na nasa 276 ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral ng ALS sa bayan ng Boac habang ang 184 dito ay inaasahang magsisipagtapos ngayong taon. (RAMJR/AMKDA/PIA Mimaropa-Marinduque)

In other News
Skip to content