ODIONGAN, Romblon (PIA) — Binuksan na sa bayan ng Romblon, Romblon kamakailan ang bagong tayong ‘Balay Silangan’ Reformation Center na proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)
Ito ang kauna-unahang reformation facility sa lalawigan ng Romblon.
Dinaluhan ni PDEA Mimaropa Assistant Regional Director Donelyn Hemedez at Vice Governor Armando Gutierrez ang pagbubukas ng nasabing gusali na magsisilbing reformation center ng mga taong nalulong sa paggamit ng ipinagbabawal na droga.
Sa isang pahayag naman ni Romblon Governor Jose Riano, sinabi niya na maisasakatuparan na ang prinsipyo ng probinsya pagdating sa paglaban sa mga iligal na droga.
Nagpasalamat din siya sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na nakilahok sa pagpaplano ng programa. Inaasahang may mga inisyal na kliyente na ang ‘Balay Silangan’ kung saan mananatili sila roon bago matanggal sa drug watchlist ng pamahalaan.
Ang pagpapatupad ng ‘Balay Silangan’ program ay alinsunod sa regulasyon ng Dangerous Drugs Board.
Nagkaroon din ng paglagda ng memorandum of agreement na sinaksihan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. (PJF/PIA Mimaropa-Romblon)
Pinangunahan ni Vice Governor Armando Gutierrez ang pagpapasinaya sa bagong bukas na ‘Balay Silangan’ sa bayan ng Romblon, Romblon kamakailan. (Photo Courtesy: Office of the Provincial Administrator)