Kauna-unahang DRRM Summit, idinaos sa Quezon

LUCENA CITY (PIA) — Idinaos ng pamahalaang lalawigan ng Quezon, sa pangunguna ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang kauna-unahang Disaster Risk Reduction and Management Summit (DRRM) sa lalawigan.

Ang programa ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-36 National Disaster Resilient Month ngayong taon na may temang “Bantayog ng Katatagan at ang Pagbubuklod sa Layuning Kahandaan” na ginanap noong Hulyo 9 sa Quezon Convention Center.

Sa pangunguna ng Quezon PDRRMO na pinamumunuan ni Dr. Melchor Avenilla Jr., dinaluhan ang ginanap na programa nina Governor Doktora Helen Tan at Office of the Civil Defense (OCD) CALABARZON Regional Director Carlos Eduardo Alvarez III.

Ibinahagi ni Board Member John Joseph Aquivido na sa inisyatibo ni Board Member Vinette Alcala ay isinusulong na sa Sangguniang Panlalawigan ang tinatawag na “Disaster Code” na magiging batayang legal ng bawat DRRMO gayundin ng iba pang uniformed personnel sa lalawigan para sa tuloy-tuloy at matatag na pagtupad sa kanilang tungkulin.

Binigyang-diin din sa nasabing aktibidad ang Magna Carta na pinagsusumikapan na maibigay ng pamahalaang lalawigan sa mga DRRMO upang masiguro na mayroon silang makukuhang benepisyo at sila’y mapoprotektahan habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin na mapanatiling ligtas at mapayapa ang kanilang nasasakupang komunidad.

Samantala, sa parehong araw ay kinilala at binigyan ng rekognisyon ang mga bayan at miyembro ng QPDRRMC bilang simbolo ng kanilang matibay na pagsuporta sa epektibong paresponde sa oras ng anumang sakuna.

Binigyan din ng Certificate of Appreciation ang mga pinuno ng mga ahensiya ng pamahalaang lokal at nasyonal sa patuloy na pagtulong at pagbibigay ng suporta sa mga programa ng Quezon PDRRM pagdating sa mga paghahanda sa kalamidad. (RO/PIA-Quezon)

In other News
Skip to content