SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) – Isinagawa kamakailan ang kauna-unahang Job Fair para sa mga solo parent ng San Jose na pinangunahan ng Pamahalaang Lokal.
Ayon kay Municipal Social Welfare and Development (MSWD) Officer Alice Cajayon, ang ginanap na Job Fair for Solo Parent sa Municipal Plaza ay alinsunod sa Republic Act 11861 o ang Expanded Solo Parent Welfare Act.
Sa ilalim ng batas na ito, nakatatanggap ng mga benepisyo, programa at serbisyo ang mga single parent kabilang na ang higit sa 3,000 solo parents ng San Jose, ayon kay Cajayon.
Nabatid sa kanya na bago pa ang job fair, dumadalo ang kanilang mga single parent sa focus group discussion (FGD). Dito ay natutukoy ng MSWDO ang kanilang mga saloobin, pangangailangan at hamong kinakaharap.

“Lumutang sa FGD na kailangan ng ating mga solo parent ng regular na mapagkakakitaan,” saad ni Cajayon.
Bilang tugon, nakiisa sa aktibidad ang Public Employment Service Office (PESO) at Department of Labor and Employment (DOLE) Occidental Mindoro, gayundin ang iba pang ahensya ng pamahalaan at mga kumpanya na makatutulong magbigay ng trabaho at livelihood opportunity sa mga solo parent.
Kabilang sa mga nag-alok ng trabaho ang Hapseng Sukimart, Insular Life, Optimus Fiber Solutions, Pep G Electrical Supplies, at PKI Manufacturing and Technology, Incorporated.
Ang mga ahensya namang naghatid ng serbisyo ay Social Security System, Philippine Health Insurance Corporation, at Alternative Learning System ng Department of Education.
Samantala, sa mensahe ni Mayor Rey Ladaga sa okasyon, sinabi niya na batid ng kanyang administrasyon ang hirap na dinaranas ng mga solo parent at sinisikap ng Pamahalaang Lokal na makapagbigay ng angkop na tulong sa naturang vulnerable group. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)