VIRAC, Catanduanes (PIA) — Pinangunahan ng Department of Education (Dep-Ed), Division of Catanduanes ang division kickoff ceremony ng “2023 OK sa Dep-Ed, One Health Week” celebration na ginanap sa Victor Hall, Virac Town Center, nitong ika-23 ng Enero.
Ayon kay DepEd Catanduanes Schools Division Superintendent Dr. Susan Collano, mas pinalakas at pinatatag nila ang implementasyon ng programa ngayong taon sa pamamagitan ng pakikipag-partner sa Department of Health (DOH). Sinabi ni Collano na titiyakin ng DepEd na may koordinasyon sa DOH at Provincial Health Office (PHO) ang kanilang health programs at services.
Samantala kabilang sa kanilang programa ay ang pagsasagawa ng school-based feeding program, drug education campaign, adolescent reproductive health education program, water, sanitation and hygiene program at medical, dental at nursing services.
Sa mensahe ni Provincial DOH Officer Robert John Aquino sa naturang programa, kanyang inihayag na kanilang bibigyan suporta at tutukan ang programa ng immunization, sexual & reproductive health at maging ang mental health ng mga mag- aaral sa probinsya ng Catanduanes. Ito rin ang inihayag ni Dr. Hazel Palmes, provincial health officer ng Catanduanes na makikipagtulungan ang kanilang tanggapan sa DepEd, DOH at iba pang stakeholders upang mas maging epektibo ang mga programang pangkalusugan na ipinapatupad ng DepEd.
Sa naturang programa dumalo rin si PIA Catanduanes Information Center Manager Edna A. Bagadiong na syang tumanggap ng Sertipiko ng Pagkilala sa Philippine Information Agency (PIA)- Catanduanes mula sa Dep-Ed sa patuloy na suporta ng PIA sa health programs and advocy ng DepEd sa pamamagitan ng information education campaign, radio programs at iba pang platforms.
Ang naturang aktibidad ay naging daan upang malaman ang ibat-ibang programang pangkalusugan ng Dep-Ed sa lalawigan at malaman ang direksyon ng implementasyon ng programang “Pinalakas Oplan sa Kalusugan sa Dep-Ed sa taong 2023.” (PIA5/ Catanduanes/Agnes Brotamonte)