LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Binasbasan at pinasinayaan na ang isa sa malaking proyekto ng pamahalaang bayan ng Baco sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Allan A. Roldan, ito ay ang bagong gawang kalsada mula sa Sitio Rubia hanggang Sitio Sta. Ana sa Brgy. Bangkatan, Baco.
Ang naturang proyekto ay may kabuuang halaga na P19,266,428.54, kung saan ang pondo ay nagmula sa 1st Congressional District sa pamamahala ni 1st District Representative Congressman Arnan C. Panaligan sa ilalim ng programang ‘Aksyon ng Gobyerno at Inisyatibo sa Larangang Lehislatura’ o AGILA.
Ayon sa mensahe ni Panaligan, sinabi nito na may nakalaan na P803 milyon na pondo para sa bayan para sa taong 2023. Kabilang sa mga proyektong imprastruktura na paglalaanan ng nasabing pondo ay ang pagpapagawa ng mga barangay halls, covered court, farm-to-market roads at iba pang mga pagawain pangkaunlaran sa iba’t ibang barangay ng Baco.
Bukod pa rito, naglaan din ang tanggapan ng kongresista ng P1.5M halaga ng assistance para sa sektor ng edukasyon ng mga kabataan sa bayan.
Nakatakda rin na maglaan pa ng karagdagang pondo ang 1st Congressional District para sa pagpapagawa ng karagdagang kalsada sa pagitan ng mga barangay ng Bangkatan at Tagumpay.
Pasasalamat naman ang ipinaabot ng punong bayan sa lahat ng nagtulung-tulong upang maisakatuparan ang pagkakaroon ng maayos na kalsada sa mga sitio na nabanggit.
Ayon kay Panaligan, ang mga ganitong uri ng proyekto ay mapapakinabangan ng mga residente upang mas madaling makapagbiyahe lalo na ngayong panahong ng tag-ulan, ganun din ng mga residente na naglalabas ng kanilang mga produkto sa kanilang mga barangay. (JJGS/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)
Larawan sa pinakataas na bahagi mula sa Baco Information Office