KWF pinangunahan ang paggunita sa ika-237 kaarawan ni Balagtas sa Bataan

ORION, Bataan (PIA) — Pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pag-aalay ng mga bulaklak sa bantayog ni Francisco “Balagtas” Baltazar sa Orion, Bataan bilang paggunita sa ika-237 kaarawan ng bayaning makata at manunulat.

Ang taunang pagdiriwang, na isinasagawa tuwing ika-2 ng Abril, ay kaugnay rin ng selebrasyon ng Buwan ng Panitikan, na naglalayong itampok at ipalaganap ang kahalagahan ng panitikang Pilipino.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Tagapangulo ng KWF na si Arthur Casanova ang mahalagang aral na maaaring mapulot mula sa buhay at mga akda ni Balagtas.

“Ang buhay ni Balagtas ay nagsisilbing inspirasyon ng bawat mamamayang Pilipino sa paghawan ng malupit na landas tungo sa pagtatamo ng kaunlaran. Ang talino at galing niya sa panitik ang naging sandata niya upang mapagtagumpayan ang anumang balakid sa kanyang buhay,” ani Casanova.

Dagdag pa niya, sa kabila ng matinding pagsubok na kanyang naranasan, hindi ito naging hadlang sa patuloy na pagsusulat ng makata ng mga tula at dulang komedya.

Binigyang-diin din ni Casanova ang kahalagahan ng muling pagbabasa sa mga akda ni Balagtas, lalo na sa Florante at Laura, upang magsilbing gabay sa pagharap sa mga hamon ng kasalukuyang panahon.

“Nailarawan ni Balagtas sa Florante at Laura ang tunay na kalagayan ng bayan, naihayag ang damdamin ng sambayanan, at naipakita ang realidad ng buhay bilang isang pakikibaka. Kaya hinihikayat natin ang lahat ng Pilipino na muling basahin ang obrang ito upang matuto mula sa mahahalagang aral na iniwan niya para sa atin,” dagdag pa niya.

Bagamat isinilang si Balagtas sa Bulacan, siya ay nanirahan sa Orion matapos mapangasawa ang isang dalagang taga-roon. Sa bayang ito, nagpatuloy siya sa pagsusulat at lumikha ng mga akdang nagsilbing inspirasyon sa maraming henerasyon.

Ngayong taon, may temang “Mga Aral ni Balagtas Tungo sa Pambansang Pagkakaisa at Kaunlaran”, layunin ng pagdiriwang na ipalaganap ang diwa ng kanyang panitikan bilang inspirasyon sa pagpapatibay ng pagkakaisa at pagsulong ng bayan. (CLJD/RPQ, PIA Region 3-Bataan)

01 CAPTION
Pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang pag-aalay ng mga bulaklak sa bantayog ni Francisco “Balagtas” Baltazar sa Orion, Bataan bilang paggunita sa ika-237 kaarawan ng bayaning makata at manunulat. (Aldrin Joshua P. Mallari/PIA 3)
In other News
Skip to content