PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Nagsagawa ng paglulunsad at pag-turn-over ng off-season vegetable production project ang Department of Agriculture-Regional Field Office MIMAROPA para sa lalawigan ng Palawan kamakailan.
Kabilang sa mga ipinagkaloob ng DA-MIMAROPA sa Palawan ay ang iba’t-ibang vegetable production materials at inputs na binubuo ng 16 units ng Multi-Tiller/Cultivator; 5 sets Biomass Shredder w/Tea Brewer; Assorted Vegetable Seeds; 1,380 pcs Plastic Crates; 14 rolls UV Films at 200 rolls Plastic Mulch; 300 bags Fortified Organic Fertilizer; 1,000L Organic Foliar Fertilizer at 497 packs Organic Foliar Plant Growth Enhancer kung saan nagkakahalaga ito ng mahigit P12M.
Isinagawa ang aktibidad na ito sa SINAG sa Balay sa Oma na matatagpuan sa Provincial Agricultural Center (PAC) sa Bgy.
Irawan, Lungsod ng Puerto Princesa sa pangunguna ni Engr. Maria Christine C. Inting, OIC-Regional Executive Director ng DA-RFO MIMAROPA kasama si Director Gerald Glenn F. Panganiban, National Director for High Value Crops Development Program (HVCDP) at ilan pang matataas na opisyales ng DA-MIMAROPA.
Ang ipinagkaloob na mga agricultural items at equipment na nakapaloob sa inilunsad na programa ay personal namang tinanggap ni Gob. Victorino Dennis M. Socrates.
Ayon kay Engr. Inting, layunin ng naturang programa na matiyak na mayroong sapat na agricultural products ang Palawan gayundin upang masuportahan ang pangangailangan ng mga Palaweño at mga turista lalo na’t isang tourist destination ang lalawigan.
Sinabi pa nito na ang lalawigan lamang ng Palawan ang natatanging probinsiya sa buong rehiyon ng MIMAROPA ang napagkalooban ng programa habang sa buong Pilipinas ay tatlong probinsiya lamang ang napagkalooban nito na kinabibilangan ng Iloilo, Bukidnon at Palawan.
Nagpasasalamat naman si Gob. Socrates sa tulong at patuloy na suporta ng nabanggit na ahensya para sa pagpapaunlad ng agrikultura at kabuhayan ng mga Palaweño. (OCJ/PIA-MIMAROPA)
Ang iba’t-ibang vegetable production materials and inputs na ipinagkaloob ng Department of Agriculture-Regional Field Office MIMAROPA sa Palawan kamakailan. (Larawan sa itaas at ibaba ay mula sa PIO-Palawan)