BATANGAS CITY (PIA) — Matagumpay na isinagawa ng International Training Center on Pig Husbandry (ITCPH) ang kanilang “Putok Batok” program noong Oktubre 15, 2024, sa ITCPH Covered Court, Brgy. Marawoy, Lipa City, bilang suporta sa lokal na industriya ng baboy.
Tampok sa programa ang “Lechon All-You-Can Fiesta,” na naglalayong palakasin ang kampanya ng Department of Agriculture na “Eat Local, Support Local.” Ipinakilala dito ang mga tanyag na lechonero mula sa Balayan hanggang sa Lipa, upang ipatikim ang kanilang mga ipinagmamalaking lechon.
Ayon kay Dr. Ruth Miclat-Sonaco, ITCPH Center Chief, layunin din ng programa na ipakita na ligtas at de-kalidad ang Pinoy pork, lalo na sa Batangas, sa kabila ng mga kaso ng African Swine Fever (ASF) na nagdulot ng deklarasyon ng state of calamity sa buong lalawigan.
Sa mensahe ni Atty. Rhaegee Tamana, Chief of Staff ni Senador Cynthia Villar na siyang inimbitahan bilang panauhing pandangal sa programa, patuloy nilang isusulong ang pagpapataas ng antas ng sektor ng agrikultura dahil ang food security ay isang napakahalagang inisyatibo na layong makatulong sa buong bansa upang matugunan ang problema ng kagutuman.
Pinuri nito ang pagiging matatag, masipag at maaasahan ng mga Batangueño na siyang mismong pag-uugali ng mga magsasakang Pilipino.
Sinabi naman ni Chester Tan, Presidente ng National Federation of Hog Farmers Inc., na ang mga ganitong aktibidad ay kanilang sinusuportahan upang ipakita ang kahalagahan ng pagsusulong sa pagkunsumo ng Pinoy pork gayundin sa pagpapataas ng bilang ng mga pino-produce na karneng baboy matapos magkaroon ng pananalasa ang ASF.
“Ang programang ito ay isang tuwiran at direktang pagpapalaganap ng impormasyon upang muling ibalik ang sigla ng pagbababoy . Malaking bagay ang suporta ng ITCPH at DA upang matulungan ang sector ng magbababoy hindi lamang sa Batangas kundi sa buong bansa,” ani Tan.
Isang paraan din ito upang muling isulong at ipakita na ligtas ang pagkain ng karneng baboy lalo na at ito ay dumaan sa mga ahensyang sumusubaybay dito tulad ng National Meat Inspection Service (NMIS).
Sa panayam naman kay Allan Cale, may-ari ng Ka Leony’s Lechon mula sa bayan ng Cuenca, sinabi nito na malaki ang epekto ng ASF sa kanilang kabuhayan at hanapbuhay sapagkat dumaan sila sa panahon na walang umoorder ng kanilang lechon.
“Malaki ang epekto ng ASF sa aming mga maglelechon ngunit unti-unti sa tulong ng mga intervention at patuloy na pagsusulong ng pamahalaan upang tangkilikin ang sariling atin ay nanunumbalik na ang industriyang ito na sa aming pamilya ay sinimulan ng aking ina. Sinisiguro din naming na ang aming lechon na ibinebenta ay malinis, walang sakit at ligtas kainin”, ani Cale. (MPDC/PIA-Batangas)