file photo from Sen. Legarda's website
Hindi lamang tuwing ika dalawampu’t dalawa ng Abril dapat isinasabuhay ang pangangalaga sa ating daigdig at bagkus ito ay dapat ginagawa sa araw-araw na pamumuhay.
Ito ang panawagan ni Senadora Loren Legarda sa gitna ng lumalalang krisis sa klima sa ating mundo. Giit niya, hindi sapat ang isang araw na pag-alala kada taon—dapat araw-araw tayong kumikilos para sa kalikasan.
“Hindi lang tuwing Earth Day dapat tayo nagmamalasakit. Araw-araw dapat tayong may ginagawa para sa kalikasan at lahat tayo may papel dito,” sabi ni Legarda.
Kasabay ng tema ng Earth Day ngayong taon na “Our Power, Our Planet,” hinikayat ng senadora ang bawat Pilipino na makilahok sa pag-gamit ng mas malinis at murang enerhiya dala ng mga Renewable Energy Sources.
“Ang energy transition ay hindi magtatagumpay kung pribadong sektor lamang at ang gobyerno ang gagalaw. Bahagi tayong lahat ng energy transition, maging ang mga komunidad at mga kabahayan. Kapag ang isang pamilya ay gumamit ng renewable technology o sumali sa net-metering program, nakatutulong ito sa mas malinis na hangin, bawas polusyon, mas makakatipid din sila sa kuryente, at dahil dito makatutulong din tayo para hindi kulangin ang supply ng enerhiya” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Legarda, na siyang may-akda at co-sponsor ng Renewable Energy Act (RA 9513) at pangunahing may-akda at co-sponsor ng Energy Efficiency and Conservation Act (RA 11285), konektado sa kalusugan ng publiko ang pagpili ng clean energy source.
“Kapag ang enerhiya natin ay hindi nagmula sa fossil fuels, nababawasan ang polusyon, kaya naman nababawasan din ang masamang dulot sa may mga may hika, sakit sa puso, komplikasyon sa pagbubuntis, at iba pang mga sakit,” aniya.
Nanawagan din si Legarda ng simpleng aksyon mula sa publiko hindi lamang ngayong darating na Earth Day kundi sa araw-araw na pamumuhay:
“Pinakamainam pa rin ang magtanim ng puno. Gumawa din tayo ng mga paraan para makatipid sa enerhiya – patayin ang appliances na hindi ginagamit, at gumamit ng LED. Sa mga komunidad naman subukan ang microgrid. Hilingin din natin sa mga power providers at distributors na malinis na enerhiya ang kanilang gamitin.” ani Legarda.
Kabilang sa mga batas pangkalikasan na isinulong ni Legarda ang Ecological Solid Waste Management Act (RA 9003), Climate Change Act (RA 9729), at ang Disaster Risk Reduction and Management Act (RA 10121)—mga batas na pawang pumoprotekta sa kalikasan at kahandaan sa sakuna sa bansa. (30)