Legarda, pinuri ang COMELEC para sa maayos na Halalan 2025, nais ng mas bukas at malawak na access sa election data para sa lahat

photo from lorenlegarda.com.ph

Binigyang pugay ni Senator Loren Legarda ang Commission on Elections (COMELEC) para sa mapayapa, maayos, at mabilis na halalan ngayong 2025. Ayon sa kanya, kapansin-pansin ang bilis ng paglabas ng resulta at ang malinaw na proseso na nakita sa buong bansa.

“Saludo ako sa COMELEC sa maayos nilang pamumuno ngayong halalan. Malaking bagay din ang sakripisyo at sipag ng ating mga guro, poll workers, at volunteers. Sila ang tunay na bayani ng ating demokrasya,” sabi ni Legarda.

Sa kabila nito, nagpahayag si Legarda ng pag-aalala sa mga nangyaring gulo, krimen, at karahasan sa ilang lugar habang panahon ng halalan.

“Nakababahala na sa panahon ngayon, kung kailan dapat ay iginagalang ang karapatang bumoto, may mga nananakot at gumagamit pa rin ng dahas. Wala dapat lugar ang ganito sa isang demokratikong bayan. Nagpapasalamat tayo sa PNP at AFP sa kanilang ginawang pagbabantay para mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng mga botante,” sabi niya.

Muling iginiit ni Legarda ang mariing pagkondena ng estado sa paggamit ng karahasan upang impluwensyahan ang resulta ng halalan, at binigyang-diin na sinisira nito ang integridad ng demokrasya.

Dagdag pa ni Legarda, magandang pagkakataon ito para paigtingin pa ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng pagbubukas ng mas maraming impormasyon tungkol sa halalan. Hinikayat niya ang COMELEC na maglabas ng election data na hindi nagpapakita ng pangalan at ibang pribadong impormasyon ng mga botante, pero makatutulong sa pag-unawa ng mga pattern sa pagboto—gaya ng sa kabataan, sa mga rehiyon, at iba’t ibang sektor ng lipunan.

“Kapag mas maraming impormasyon na makikita ang publiko, mas madali para sa mga estudyante, guro, researchers, at mamamayan na maintindihan kung paano bumoboto ang mga tao. Mas nagiging bukas ang usapan tungkol sa halalan at mas lumalalim ang partisipasyon ng lahat,” paliwanag niya.

“Halimbawa, kung alam natin kung paano bumoboto ang mga kabataan o kung anong isyu ang mahalaga sa kanila, mas magiging makabuluhan ang ating mga batas at serbisyo.”

Iminungkahi rin ni Legarda na mas palawakin pa ng COMELEC ang kanilang portal o website para maisama ang mas maraming impormasyon tungkol sa halalan gaya ng edad, kasarian, lugar, antas ng edukasyon, at iba pa. Maaari ring idagdag ang mahahalagang detalye tungkol sa mga kandidato, tulad ng kung sila ba ay reelectionist o unang beses na tumatakbo, at iba pang impormasyon.

Dagdag pang mungkahi ni Legarda na maganda kung makikipagtulungan ang COMELEC sa mga unibersidad, research institutions, at mga eksperto at data scientists upang matiyak na ang mga ganitong mga proyekto ay maisasagawa nang maayos. Ayon sa kanya, ang mga inisyatibong ito ay makatutulong sa pagpapalawak ng kaalaman ng mamamayan tungkol sa halalan, paglaban sa fake news, at pagpapatibay sa mga tagumpay na naabot para sa mas bukas at tapat na halalan.

“Hindi natatapos ang halalan sa araw ng botohan. Mahalaga rin na matuto tayo mula sa resulta at proseso nito. Sa ganitong paraan, mas magiging matibay at bukas ang partisipasyon ng lahat sa ating demokrasya,” pagtatapos ni Legarda.

In other News
Skip to content