LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA)—Nakapagbenta ang pamahalaang panlungsod ng Kidapawan ng abot sa 23,845 kilo ng bigas sa halagang P20 kada kilo sa 4,769 na mamimili.
Ito ay base sa datos ng Office of the City Agriculturist, na inihayag nitong Lunes, matapos buksan ang Merkado Kidapaweño nitong Marso kung saan ibinaba sa P20 bawat kilo ang presyo ng bigas mula sa P25 kada kilo.
Kaugnay nito, sinabi ni City Agriculturist Marissa Aton na ang pamahalaang panlungsod ang pinakauna at sa ngayon ay natatanging LGU sa buong bansa na nagbebenta ng P20 per kilo na bigas na siyang mithiin ng administrasyong Marcos.
Nauna nang ibinenta noong Disyembre ng nakaraang taon sa halagang P25 kada kilo ang luntian rice bilang isa sa mga aktibidad ng programang KIDAPS o Kabaranggayan Dad-an og Proyekto og Serbisyo. Kaugnay nito, nakapagbenta ang Office of the City Agriculturist ng abot sa 42,032 kilo ng bigas sa 10,508 mamimili.
Sa kabuuan, ayon kay Aton, abot na sa 65,877 kilo ng bigas na ang naibenta at inaasahang madadagdagan pa sa susunod na mga araw.
Ito ay alinsunod sa kautusan ni City Mayor Paolo Evangelista upang tugunan ang problema sa nagmamahalang presyo ng mga pangunahing bilihin at upang suportahan na rin ang mga lokal na magsasaka. (PIA Cotabato Province)