LGU Naga, puspusan ang ‘internal cleansing sa kampanyang kontra-droga

LUNGSOD NG NAGA (PIA) – Hindi susuportahan at agad na tatanggalin sa serbisyo ang sinumang empleyado na sangkot o masasangkot sa ilegal na droga.

Ito ang mahigpit na babala at paalala na iniwan ni Mayor Nelson Legacion sa mga kawani ng city hall matapos matanggal sa serbisyo ang isang casual employee mula sa Naga City Solid Waste Management Office (SWMO). Nahuli ang naturang empleyado sa  isang buy bust operation kamakailan.

Ayon kay Legacion, matagal na itong kinausap at binigyan ng pagkakataon magbago, ngunit  binigo pa rin ito ng nasabing kawani.

Sinimulan noong nakaraang Linggo ang pagsasailalim sa drug test ng lahat ng empleyado ng lokal na pamahalaan ng Naga. Sa ngayon, wala pang naitalang nagpositibo mula sa drug test.

Dagdag pa ng alkalde, hindi nagkulang ang kaniyang administrasyon sa pagpapaalala sa mga tauhan ng lungsod tungkol sa bagay na ito.

Nagbigay din ng kautusan ang alkalde na bago ituloy ang kontrata ng mga empleyado ng lungsod ay kinakailangan magsumite ng negative drug test result.

Kung positibo naman, hindi na papayagang makapag renew ang mga ito. Ayon pa kay Legacion, ito ay isa sa mga paraan upang mas lalong mapatibay ang kampanya laban sa illegal na droga.

Nakumpiska ng kapulisan ang kabuuang 1.9 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga sa higit P12,000 mula sa dating kawani ng city hall, kasama pa ang dalawang naarestong indibidwal. (PIA5/Camarines Sur with reports from Alvinjay Carinan)

Larawan kuha ng Naga City Police Office

In other News
Skip to content