LGU-Palawan, nagtayo ng FM radio station

PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Opisyal nang sumahimpapawid ang pinakabagong himpilan ng radyo sa Palawan na 96.7 FM Palawan Island Network (PIN) “Kasangga Mo sa Serbisyong Alisto” na may lakas na 2,000 watts.

Isinagawa ang soft opening at blessings nito kamakailan. Ito ay pagmamay-ari ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at affiliated sa Philippine Broadcasting Service – Radyo Pilipinas.

“Today is a historical day. Makasaysayang araw ang paglulunsad ng kauna-unahang radio station ng Pamahalaang Panlalawigan sa Palawan. Iba pa rin ‘yung may sarili tayong frequency; mayroon tayong sariling programming na sa ating pananaw ay kailangang maipaabot sa ating mamamayan,” ang mensahe ni Gobernador Victorino Dennis M. Socrates sa paglulunsad ng nasabing radio station.

Dumalo rin si Radyo Pilipinas-Palawan Station Manager Miriam T. Basig bilang kinatawan ni PBS Director Rizal Geovanni Aportadera, Jr.

“Sa panahon ngayon, we know na ang radyo pa rin po kumbaga ang pinaka-pwedeng pag-abutan ng ating mga current events at impormasyon in real time dahil kahit saan, kahit kailan ay nandiyan po ang radyo. Kaya kami po ay talagang nagpapasalamat na naging affiliate po namin itong DWCK 96.7 FM Palawan Island Network,” ang mensahe naman ni Basig.

Ang Palawan Island Network ay matatagpuan sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Headquarters sa Brgy. Irawan, Puerto Princesa City.

Layunin ng Pamahalaang Panlalawigan na maghatid ng mga balita, impormasyon, at entertainment para sa isinusulong na listo, matatag at panatag na Palawan sa pamamagitan ng radyo.

Sinabi naman ni Basig na iho-hook up din sa Palawan Island Network ang ilang programa sa Radyo Pilipinas-Palawan tulad na lamang ng “Alamin Natin” ng Philippine Information Agency-Palawan. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

In other News
Skip to content