BATANGAS CITY (PIA) — Aprubado na ng Sangguniang Panlungsod ng Batangas ang isang ordinansa na nagtatakda ng pagbibigay ng libreng malinis na inuming tubig sa mga customers ng mga food establishments sa Lungsod ng Batangas.
Layon ng Ordinance No. 32, s. 2023 na maiangat ang antas ng sanitation standards sa mga food establishments upang makaiwas ang mamamayan sa mga water-borne na sakit dulot ng pag-inom ng kontaminadong tubig.
Ayon kay Konsehal Jonash Tolentino, na siyang may-akda nito, ang isang inuming tubig na mahihingi sa mga dine-in restaurants ay maiituring na ligtas inumin kung ito ay pasado sa standard ng Philippine National Standards for Drinking Water (PNSDW).
Itinatakda rin ng ordinansa ang pagkakaroon ng malinis na water dispenser, water vending machines, o potable water containers gayundin ang pagkaroon ng regular maintenance at paglilinis hindi lamang ng tubig kundi maging ng unit na pinaglalagakan nito.
Hinihikayat din ang mga may-ari o manager na magkaroon ng isang lugar kung saan nakalagay ang libreng tubig na may signage na “Free Service Water”.
Magkakaroon ng microbiological parameters buwan-buwan at physical and chemical parameters kada taon upang masiguro na ang mga tubig na ginagamit ay ligtas at malinis.
Kinakailangan din na sumunod ang mga establisimyento sa mandatory drinking water quality parameter ng PNSDW.
Magkakaroon ng unscheduled inspection ang mga kawani ng City Health Office (CHO) upang matiyak na sumusunod ang mga establisimyento sa Lungsod sa ipinag-uutos ng batas.
Ang mga mahuhuling lumabag sa ordinansa ay magmumulta ng P1,000 at reprimand samantalang P2,000 at final notice of violation para sa 2nd offense habang ang lalabag sa ikatlong pagkakataon ay pagmumultahin ng P5,000 kasama na ang suspension of business permit at closure of establishment. (Bhaby P. De Castro-PIA Batangas may ulat mula sa PIO Batangas City)