Libreng pagsasanay sa paggawa ng tinapay, handog ng BJMP, TESDA sa mga PDLs sa Quezon

PAGBILAO, Quezon — Nasa 25 persons deprived of liberty o PDL sa Quezon District Jail sa bayan ng Pagbilao ang sumasailalim sa kursong bread and pastry production ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)-Quezon bilang dagdag kasanayan at kabuhayan habang sila ay nasa loob ng bilangguan.

Ang pagsasanay ay bahagi ng Behind Bars Baking Project ng Bureau of Jail Management and Penology Quezon District na layong mabigyan ng kaalaman ang mga PDL sa paggawa ng tinapay na maaari nilang pagkakitaan.

Ayon kay Jail Officer 1 Jonathan Blasé, malaking  bagay para sa mga PDLs ng Quezon District Jail ang pagsasanay  upang magkaroon ng dagdag at bagong kaalaman at kasanayan ang mga ito.

Nagpasalamat rin ito sa TESDA dahil sa pagpili sa mga PDLs bilang benepisyaryo ng programa.

Sinisiguro naman ni Rosario Gadingan, culinarian at pastry chef ng Culinary and Agriculture Consultancy Services (CACS)-Laguna na walang babayaran ang 25 PDLs sa programa dahil libre itong handog sa kanila ng pamahalaan.

“Bukas po ang aming tanggapan  para sa mga kahilingan ng mga PDLs kung meron pa silang gustong kurso o programang nais sanayin,” sabi pa ni  Gadingan.

Matatandaan na sa naging news forum kamakailan ni BJMP Dir. Ruel Rivera, sinabi nitong lumagda sa isang kasunduan ang TESDA at ang BJMP nitong nakaraang buwan na naglalayong madagdagan ang programa sa pagbibigay ng employable skills sa mga bilanggo sa buong bansa.

Samantala, ayon kay Jail Supt. Jack Lord Cariño, district jail warden, bukod sa pagbibigay ng karagdagang pagsasanay sa mga PDLs, layunin din ng nasabing programa na matulungan ang mga ito na magkaroon ng karagdagang kita upang masuportahan ang kanilang mga pangangailangan at gayundin ang kanilang mga pamilya.

Samantala, sinabi ni Jail Officer-3 Joefrie Anglo na bukod sa TESDA program, sumasailalim din ang 384 PDLs sa naturang pasilidad sa recovery programs, life skills, continuing education, at values formation bilang bahagi ng makataong pangangalaga at pagpapaunlad ng mga kliyente ng ahensya ng BJMP. (RMO, PIA Quezon)

In other News
Skip to content