Libreng serbisyo sa ngipin, isinagawa sa ‘National Oral Health Month’

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Bilang pagtatapos sa huling araw ng National Oral Health Month noong buwan ng Pebrero, nagkaloob ng mga libreng serbisyo sa ngipin ang Calapan City Health Office – Dental Section na bahagi ng selebrasyon ng ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod na ito na isinagawa sa City Plaza Pavilion.

Sa temang; ‘A Healthy Mouth, A Healthy Body, for A Healthy Mimaropa Community,’ ipinagkaloob sa humigit-kumulang 150 mga Calapeño ang mga nakinabang sa serbisyo tulad ng bunot ng ngipin, pagpapalinis, paglagay ng fluoride at pagpapasta.

Sa mensahe ni City Dental Health Division Officer, Dr. Xymonette Dalisay, kanyang pinaalalahanan ang tamang gabay at pangangalaga ng bibig tulad ng palagiang pagsi-sipilyo matapos kumain, gayundin ang mga pamamaraan ng pagsipilyo at regular na pagbisita sa dentista.

Ibinahagi din ni Dalisay ang pagkain ng mga masusustansiyang pagkain na mayaman sa fiber, protina, potassium, iron, zinc, Bitamina A at calcium na siya anyang nagpapatibay ng mga ngipin.

Samantala, nakinabang sa nasabing serbisyo ang mga buntis, mga senior citizens at mga may kapansanan habang nilinisan naman ng ngipin ang 52 batang mag-aaral sa mga Daycare Center mula sa Barangay Ibaba East at Ibaba West at pagkatapos ay binigyan din ang lahat ng nutribun at oral health kit.

Katuwang ng City Dental Health Section sa naturang aktibidad ang 22 Public Health Dentist at mga kawani ng pamahalaan na may kaugnayan pa rin sa kalusugan. (DN/PIA-OrMin)


Nililinis at nilalapan ng gamot na fluoride ang ngipin ng mga batang mag-aaral ng Daycare sa selebrasyon ng National Oral Health Month na isinagawa sa City Plaza Pavilion kamakailan. (Kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

In other News
Skip to content