Libreng serbisyong medikal, handog ng Quezon prov’l gov’t sa mga residente ng Macalelon

MACALELON, Quezon (PIA) — May  2,105 residente sa  bayang ito ang nabigyan ng libreng konsultasyon at operasyon para sa kanilang mga iniindang karamdaman sa pamamagitan ng medical mission na isinagawa ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon kamakailan.
 
Ayon sa Quezon Public Information Office, ang nasabing aktibidad ay bahagi ng  patuloy na pagbibigay ng libreng serbisyong gamutan para sa mga mamamayan sa ilalim ng programang Lingap sa Mamamayan, Libreng Gamutan ni Quezon Gov. Helen Tan.
 
Pinangunahan ni Board Member John Joseph Aquivido ang aktibidad kasama ang kinatawan ni Vice Governor Third Alcala na si Ms. Aleixa Alcala at kung saan katuwang ang mga doktor mula sa Quezon Provincial Hospital Network-Quezon Medical Center, Provincial Health Office, East Avenue Medical Center, RAKKK Prophet Medical Hospital, at Macalelon Rural Health Unit.
 
Samantala, kaisa rin sa isinagawang medical mission si Third District Representative Reynan Arrogancia at nagpaabot ng tulong para sa lahat ng mga nagpakonsulta.
 
Bukod sa libreng konsultasyon ay nagbigay din ng libreng bakuna kontra pneumonia ang pamahalaang panlalawigan para sa mga may edad dalawa pataas. (RMO, PIA Quezon)

In other News
Skip to content