TAYABAS CITY, Quezon (PIA) — Mahigit sa 300 buntis ang tumanggap ng libreng serbisyong medikal sa idinaos na “Buntis Day Celebration” kamakailan sa Barangay Isabang, Tayabas City.
Pinangunahan ni Senator Imee Marcos at Quezon Governor Helen Tan ang aktibidad kung saan namahagi rin ang mga ito ng gift packs, maternity kits, libreng prenatal check up at ultrasound sa mga buntis na nakiisa sa pagdiriwang,
Katuwang nina Marcos at Tan sa matagumpay na aktibidad ang Philippine Obsterical and Genecological Society Region 4A.
Nagpaabot ng pasasalamat si Tan sa senadora sa muling pagbisita at paghahatid nito ng tulong sa mga residente ng Quezon.
“Nagpapasalamat po ako kay Sen. Marcos sa muling pagbisita sa ating lalawigan gayundin sa paghahatid ng iba’t ibang serbisyo para sa kapakinabangan ng ating mga kababayan sa lalawigan”, sabi pa ni Gov. Tan.
Unang binisita ng senador kasama si Tan ang Southern Luzon Command (SOLCOM) sa Camp Guillermo Nakar sa Lungsod ng Lucena at nakipagdiyalogo sa mga opisyal para sa pagbabalik ng ‘Self-Reliance Defense Posture (SRDP) Program’ ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1974.
Nakipagdiyalogo din ang mga ito kina Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Kristine Evangelista; DA-CALABARZON Regional Director Milo Delos Reyes at Provincial Agriculturist Liza Mariano kasama ang mga awardees ng Young Farmers Challenge (YFC) at mga benepisyaryo ng Enhanced KADIWA Program sa rehiyon.
Ayon kay Tan, naging matagumpay ang talakayan bunsod ng patuloy na paghihikayat sa mga kabataan sa lalawigan na pasukin ang sektor ng agrikultura na may buong pusong pagsuporta ng naman ng pamahalaang panlalawigan.
Bukod dito, nagkaloob ang senador ng tulong pinansyal na sa 1,000 kababaihan mula sa hanay ng Persons with Disability (PWD), Barangay Health Workers (BHW) at expectant mothers mula sa Lungsod ng Tayabas kung saan dumalo din dito si Congressman Mark Enverga. (Ruel Orinday- PIA Quezon)