Libu-libong turista, inaasahang dadagsa sa Pahiyas Festival sa Lucban

LUCBAN, Quezon (PIA) — Inaasahan ang pagdagsa ng maraming lokal at dayuhang turista sa bayan ng Lucban ngayong Mayo sa muling pagbabalik ng selebrasyon ng Pahiyas Festival.

Sa idinaos na Kapihan sa PIA Quezon nitong Miyerkules, Mayo 3, sinabi ni Mayor Agustin “Tenten” Villaverde na mas kapanapanabik ang pagdiriwang ng Pahiyas Festival ngayon matapos ang dalawang taong pagkakatigil nito dulot ng pandemya.

“Mas makulay at kapanapanabik ang mga bagong aktibidad sa Pahiyas tulad ng Arko-Rikit Pahiyas, Longest Habhaban sa Lucban, Tiyangge sa Pahiyas, Tagayan Booth, Street Dancing Competition, Ginoo at Binibining Lucban, at iba pa,” ani Villaverde.

Sinabi pa ng alkalde na kung kinakailangan na magpatupad ng paghihigpit dahilan sa pandemya ay ito ay kanilang maayos na ipatutupad.

Magkakaroon ng prusisyon ng Patron ng San Isidro sa Mayo 14 bilang pasasalamat sa masaganang ani ng mga magsasaka.

Ayon pa sa alkalde, mahalaga ang turismo sa kanilang bayan kung kaya’t kabilang ito sa mga prayoridad ng kanyang administrasyon. Tiniyak din ng alkalde na siya ring tumatayong overall chairman ng Pahiyas Festival na magiging sulit ang gagawing pamamasyal at pagtungo dito ng mga lokal at dayuhang turista dahil sa iba’t ibang programa, masasarap na pagkain at ganda ng kanilang bayan.

Ang mga mamamayan dito aniya ay pawang mga disiplinado kaya kumpiyansa ang opisyal na kahit dumagsa ang mga turista ay hindi magiging problema ang basura. Tiwala din ito sa husay at kakayanan ng bumubuo ng Lucban Municipal Police Station upang mapanatili ang kaayusan sa panahon ng ipinagdiriwang ang Pahiyas Festival.

Inilahad rin ng alkalde na P8-milyon ang gugugulin ng pamahalaang lokal para sa nasabing festival kung saan ang mga mananalo sa paligsahan ay tatatanggap din ng mga premyo.

Ang Lucban ay dinarayo kahit sa mga ordinaryong araw dahil sa kanilang mga produkto tulad ng longganisa, pansit habhab at iba pang mga kakanin. Dito rin matatagpuan ang Kamay ni Hesus, magagandang lugar pasyalan at ang main campus ng Southern Luzon State University.

Ang Pahiyas Festival ay isang pasasalamat kay San Isidro de Labrador sa mga biyayang ipinagkakaloob nito sa mga magsasaka. Dahil dito, prayoridad din ni Villaverde ang pagtataguyod ng programa sa agrikultura kung saan kabilang din sa programa ng kanyang administrasyon ang pagtuturo sa mga magsasaka ng mga kaalaman sa pagtatanim upang maging kalidada ng mga produktong agrikultura na aanihin ng mga magsasaka. (Ruel Orinday-PIA Quezon)

In other News
Skip to content