LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Nagtulong-tulong sa pamamahagi ng 240 pirasong galon ng ligtas na inuming tubig ang pamahalaang panlalawigan kasama ang Pola LGU at iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan sa mga apektadong pamilya na nakatira sa tabing dagat sa Barangay Calima, Pola kamakailan.
Ayon kay Gob. Humerlito Dolor, ang tubig ay galing pa sa lungsod ng Calapan na inalok ng isang negosyante na libre para anya sa mga residente ng nasabing bayan. Dagdag pa ni Dolor na magdadala pa uli ng mga tubig inumin sa lugar para masiguro na magiging maayos ang kalusugan ng mga naninirahan doon.
Kasama ng mga kawani ng pamahalaang panlalawigan si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Provincial Project and Development Officer Fe Dimaala, Dr. Angela Cielo Ante, Provincial Social Welfare and Development Officer Zarah Magboo at Philippine National Police.
Makikita naman sa tabing dagat ang bakas ng nakakapit na langis sa mga puno ng Bakawan habang nagsasagawa ng cleanup drive sa tabing dagat ang mga tauhan ng Phil. Coast Guard gayundin ang mga boluntaryong estudyante mula sa iba’t-ibang pamantasan sa lalawigan ng Batangas.
Samantala, sa huling ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office Mimaropa, nakapagbigay na sila sa 11,109 family food packs (FFP) na nagkakahalaga ng P7.7M sa pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office habang 2,057 FFPs ang naipamahagi naman sa iba’t-ibang lugar sa lalawigan na naapektuhan ng oil spill mula sa lumubog na M/T Princess Empress noong Pebrero 28. (DN/PIA-OrMin)
Makikita sa mga ibabang bahagi ng puno ng Bakawan ang marka ng langis na matatagpuan sa tabing dagat ng Brgy. Calima Pola kung saan hindi pa rin ligtas ang tubig sa dagat o inumin sa ilalim mula sa bukal. (Larawan kuha ni: Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)