BOAC, Marinduque (PIA) — Tampok ang 14 na pagsasanay sa Likhai Art Exchange sa pagdaraos ng culture and arts festival mula Agosto 30 hanggang Setyembre 2 bilang bahagi ng paggunita sa Buwan ng Wika at Kasaysayan kabilang ang Buwan ng Malikhaing Industriya o creative industry.
Ito ay sa pagtutulungan ng Union Locale, pamahalaang panlalawigan, Department of Trade and Industry at Alitaptap Artist Village na may temang “Pagdiriwang ng Iba’t ibang Talento sa Sining ng Marinduque.”
Layunin nito na magkaroon ng workshop para sa mga local artist, estudyante at mga malikhaing indibidwal sa kategorya ng installation art, sculpture, painting, sound art, mural painting, cultural, music performance, classical theater, poetry, photo at video event coverage, content creation, documentary film-making, digital graphic at design na may digital modern comics.
Ayon sa opisyal ng pahayag mula sa social media site ng Likhai Marinduque, magkakaroon ng serye ng artist talks mula sa mga pinakamahalagang boses sa industriya. Tampok din ng serye ng sabayang workshop para sa mga indibidwal na kalahok upang makaranas ng praktikal na kasanayan na idinisenyo upang palakasin ang pag-aaral at oportunidad sa networking.
Kabilang sa mga artist at malikhain na kalahok ay sina Bokeng Ancanan, AJ Manuel, Dennis delos Santos, Jon Romero, AG Saño, Joren Lansang, Bobby Balingit, Arden Tuazon, Soliman Cruz, Titik Poetry, Thal Ruin Photography, Khalil Versoza, Arvin Belarmino, Verlin Santos at sina Johnny Paradox at Tonio Maicon. Kasama rin sa mga kalahok ang mga lokal na artist at malikhain mula sa Marinduque tulad ng Marinduque Artists, Litera Club, Santa Cruz Artists kasama ang Marinduque Island Ambassador na kasapi ng Hearts Council.
Ang Likhai Marinduque ay naging posible sa tulong ng Rotary Districts at Clubs sa lalawigan, Tanggapan ng Provincial Administrator, at DepEd Marinduque sa pakikipagtulungan ng Marinduque State College at Marinduque National High School. (RAMJR/AMKDA/PIA Mimaropa – Marinduque)