Local Energy Plan ng Lalawigan ng Batangas,sinimulan na

BATANGAS CITY (PIA) — Isinusulong ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas ang pagbuo ng isang Local Energy Plan (LEP) na mag-uugnay sa mga pampublikong tanggapan at pribadong sektor upang pangasiwaan ang pagpaplano at pamamahala ng mga energy resources sa lalawigan.

Kaugnay nito ay isang pagsasanay ang isinagawa ng pamahalaang panlalawigan kamakailan sa pangunguna ng United States Agency for International Development Energy Secure Philippines (USAID-ESP), Philippine League of Local Environment and Natural Resources Offices (PLLNRO) Incorporated, at Provincial Planning and Development Office (PPDO).

Dito ay binalangkas ang mga panukala at istratehiya para magkaroon ng maayos na ugnayan ang lahat ng mga stakeholders sa sektor ng enerhiya kabilang ang pamahalaan, electric at fuel companies, distribution utilities, akademya kasama ang mga kunsumidor at publiko.

Ayon kay Provincial Administrator Wilfredo Racelis, mahalagang tutukan at bigyang diin ang wastong pagbuo ng LEP dahil ito ang magiging basehan ng mga hakbangin ng lalawigan sa mga susunod na panahon.

Nagsilbing resource speaker at facilitator si Engr. Isabelo Rabuya, Energy Specialist ng USAID-ESP at professor sa University of San Carlos Cebu.

Ayon sa USAID-ESP ang lalawigan ng Batangas ay isa sa mga pilot provincial governments kasama ang Ilocos Norte sa paggawa ng LEP.

Kasama din sa tinalakay ang papel ng Department of Energy at ang Philippine Energy Plan na siyang nagsilbing batayan ng LEP, mga batas, inisyatibo at polisiya na sumasaklaw sa local energy planning at ano ang maaaring maging pakinabang ng mga pamahalaang lokal dito.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si USAID ESP-PLLENRO Project Manager Danilo Villas sa mga lumahok sa naturang workshop at inaasahan nilang masimulan ang pagkalap ng mahahalagang datos upang masimulan ang inisyal na draft ng plano at mabuo ito hanggang ikatlong kwarter ng 2023. (Bhaby P. De Castro, PIA Batangas)

In other News
Skip to content