PUERTO PRINCESA CITY, Palawan (PIA) — Magsasagawa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board Mimaropa ng Local Public Transport Route Plan (LPTRP) Simulation Exercise sa lungsod sa Disyembre 7-9.
Sa nasabing aktibidad ay ipapakita ng LTFRB sa mga operators at mga drivers ng mga Public Utility Vehicles (PUVs) ang bagong mga ruta alinsunod sa LPTRP ng lungsod.
Layunin nito na malaman ang tamang bilang ng mga otorisadong yunit ng PUVs para sa bawat ruta ayon sa dami ng mga pasahero upang mabigyan ng solusyon ang mga magiging problema sa implementasyon ng LPTRP.
Isa lamang ito sa mga bagong rota ng mga Public Utility Vehicle sa isasagawang Local Public Transport Route Plan (LPTRP) Simulation Exercise sa lungsod sa Disyembre 7-9, 2023. (Social Card mula sa CIO-Puerto Princesa)
Pinaalalahanan naman ng pamahalaang panlungsod ang publiko at mga pasahero na pansamantalang hindi muna magagamit ang mga luma o dating mga ruta habang isinasagawa ang simulation.
Binigyan ng special permit at provisional fare matrix ng LTFRB ang mga dating PUV na nagbibiyahe sa lungsod na makakasama sa simex at may bisa lamang ito sa Disyembre 7-9.
Ang gawaing ito ay paghahanda na rin sa modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan sa lungsod sa susunod na mga panahon. (OCJ/PIA MIMAROPA – Palawan)