Lugar na pinaglubugan ng M/T Princess Empress, natukoy na

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Mar. 6 (PIA) – “Malugod kong ibabalita sa inyo na natukoy na ang mismong lugar na pinaglubugan ng M/T Princess Empress.” Ito ang ibinalita ni Gob. Humerlito ‘Bonz’ Dolor sa isinagawang press conference ngayong umaga sa ABC Hall, Barangay Santiago, Naujan.

Tumawag si Department of Environment and Natural Resources Sec. Ma. Antonia Yulo-Loyzaga sa gobernador sa kalagitnaan ng press conference para ibalita na natagpuan na ang eksaktong lokasyon ng tanker, 7.5 nautical miles mula sa pinaglubugan nito sa Balingawan Point, malapit sa Brgy. Estrella Naujan.

Ayon pa kay Dolor, muling makikipagkita ang kalihim sa kanya anumang araw bitbit ang naanalisang datos mula sa National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) na kung saan makikita ang kasalukuyang kinatatayuan ng nasabing barko.

Nagpasalamat din ang gobernador kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian dahil sa pakikipag-ugnayan nito sa NAMRIA para agarang makita ang lumubog na tanker.

Dumalo din sa nasabing prescon ay si Office of the Civil Defense (OCD) Undersecretary at Administrator Ariel Nepomuceno, kinatawan ng lumubog na barko na si Engr. Dennis Futalan, dalawang salvaging contractor na siyang mangangasiwa sa pagpapatigil ng paglabas ng langis mula sa tanker, at mga pinuno ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan lokal at nasyunal. (DN/PIA-OrMin)

In other News
Skip to content