ODIONGAN, Romblon (PIA) — Ipinahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) Romblon na mapapakinabangan ng mga Romblomanon ang pagbagal sa inflation sa probinsya kung magtutuloy-tuloy ito hanggang sa susunod na mga buwan.
Sa ginanap na press conference sa PSA Romblon, sinabi ni Chief Statistical Specialist Engr. Johnny Solis na may epekto ang datus ng inflation kung may nakikitang trend sa pagbagal ng inflation sa probinsya.
Nakapagtala ang PSA nitong Hulyo ng 6.4 percent inflation sa probinsya, pinakamababa ito mula pa Pebrero 2023.
“Masasabi natin na hindi ganun kabilis ang pagtaas ng presyo at magiging kapakipakinabang yan sa ating mga mamamayan at mararamdaman yan ng ilang buwan pa hanggang dumating na naman ‘yung time na tataas na naman ‘yan dahil sa paparating na holiday season,” pahayag ni Solis.
Batay sa report ng PSA, ang tuloy-tuloy na deflation sa presyo ng gasolina at diesel sa Romblon ay nakakatulong para bumagal rin ang inflation naman ng ilan pang commodity groups kagaya ng pagkain, inumin at iba pang produktong binibili sa labas ng probinsya. (PJF/PIA MIMAROPA – Romblon)