LUCENA CITY (PIA) — Mas mabilis na paghahatid ng impormasyon bago at tuwing may kalamidad ang inaasahan sa lalawigan ng Quezon matapos ilunsad ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang “STANd UPPPP Media Network” (Serbisyong Tunay at Natural – Una sa Pag-Iwas, Paghahanda, Pagtugon at Pagbangon ang Quezon).
Layunin ng media network na binuo katuwang ang Philippine Information Agency (PIA) Quezon at Radyo Pilipinas Lucena, na magkaroon ng “unified messaging” ang media sa paghahatid ng impormasyon bago dumating, habang, at pagkatapos dumaan ang kalamidad sa lalawigan ng Quezon.
Ayon kay Dr. Melchor Avenilla, Quezon PDRRMO Department Head, sa pamamagitan ng bagong media network ay magkakaroon mabilisang ugnayan ang PDRRMO at media sa paghahatid ng impormasyon partikular sa kahandaan sa anumang uri ng kalamidad.
“Naniniwala po ako na malaki ang maitutulong ng media para sa mas mabilis na mapaalalahanan ang mga mamamayan at mabigyan ng updates sa tuwing may nangyayaring kalamidad sa Quezon,” pagbibigay diin ni Avenilla
Ito ay kabilang din aniya sa hangarin Quezon Governor Helen Tan na maging katuwang ang bawat sektor sa lalawigan sa pag-iwas at pagtugon sa kalamidad.
Samantala, ayon kay Joselito Giron, PIA Quezon Provincial Information Center Manager, nag-umpisa ang ideya ng STANd UPPPP media network matapos na makita niya ang tanggapan ng Quezon PDRRMO at ang mga paghahandang ginagawa ng tanggapan tuwing may nangyayayaring kalamidad sa lalawigan.
Binigyang diin naman ni Maritess Balquiedra, Station Manager ng DWLC- Radyo Pilipinas Lucena, ang kahalagahan ng kahandaan sa sakuna at kalamidad na nakita niya sa bansang Australia nang magtungo siya dito kamakailan para sa isang study visit.
Nagkaroon naman ng paghahalal ng pamunuan ang STANd UPPPP Media Network kung saan naihalal bilang Pangulo si Gemi Formaran ng Journal Group of Publication; Pangalawang Pangulo si Tom Alvarez ng Radyo Pilipinas Lucena; at Kalihim si Margz Dianito Licardo ng DZAT 1512 Life Radio. (Ruel Orinday-PIA Quezon)