Mahigit 1,000 PWDs, lumahok sa 46th National Disability Week Celebration sa Quezon

LUCENA CITY (PIA) — Mahigit 1,000 Persons with Disability (PWDs) ang dumalo sa idinaos na 46th National Disability Week Celebration sa Quezon Convention Center noong Hulyo 2.

Tema ng pagdiriwang ay  “Promoting Inclusion: Celebrating Abilities and Advocating Access” kung saan layunin nito na bigyang halaga at pagkilala ang kanilang sektor.

Masaya ring nakiisa at nagpakita ng pagsuporta si Governor Doktora Helen Tan sa mga dumalong may kapansanan.

“Hindi po dahilan ang kapansanan upang magkaroon ng access sa mga nararapat na serbisyo, at tulong ang ating mga kababayang may kapansanan”, sabi ng gobernadora.

Sa pamamagitan ng Sangguniang Panlalawigan sa pamumuno ni Vice Governor Third Alcala ay kanilang isusulong ang ordinansang poprotekta sa bawat PWD sa lalawigan ng Quezon, giit ni Gov. Tan.

Naisagawa rin sa parehong araw ang oath taking ceremony ng mga bagong halal na opisyal ng Quezon Province Alliance of Persons with Disability Affairs (QPAP) kung saan nakatanggap ng nagkakahalaga ng P20,000 na insentibo ang bawat Municipal Association of Persons with Disability upang gamitin sa iba’t-ibang proyekto.

Samantala, naging panauhing tagapagsalita sa okasyon si National Council on Disability Affairs (NCDA) Regional Program Coordinator Mike Limon na nagpahayag din ng suporta sa mga persons with disabilities sa lalawigan ng Quezon.

Naging bahagi rin ng pagdiriwang ang patimpalak sa pagkanta at pagsayaw at  raffle draw. (RO/PIA-Quezon)

In other News
Skip to content