LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) — Umabot na sa 54,990 Mindoreño ang nakapanayam ng mga itinalagang enumerators ng Philippine Statistics Authority (PSA) Oriental Mindoro upang maisagawa ang 2024 Census on Population – Community-Based Monitoring System (POPCEN-CBMS) sa buong lalawigan ng Oriental Mindoro.
Sinabi ni PSA provincial chief administrative officer at officer-in-charge Dr. Charlyn Romero-Cantos sa isinagawang press conference na target ng PSA na makapag-interview ng mahigit 220,000 respondents bago sumapit ang ika-15 ng Setyembre ngayong taon.
Ayon pa kay Cantos, nasa 24.8 porsiyento pa lamang ang kanilang nakolektang datos dahil na rin sa idinulot ng nakaraang kalamidad na kung saan ang ibang lugar ay inabot ng baha kaya naantala ang kanilang pagpunta sa mga lugar na nakatakda nilang puntahan.

Humingi na rin ng tulong ang PSA sa mga opisyales ng barangay na samahan ang mga enumerator sa pagbabahay-bahay para mapabilis ang proseso ng kanilang pakikipanayam.
“Patuloy naming gagampanan ang aming tungkulin at tapusin ang CBMS sa takdang panahon na ibinigay sa amin at wala na itong palugit kaya ang tanging hiling lamang namin ang buong kooperasyon sa ating mga kababayan at makiisa sa isinasagawa naming census,” saad pa ni Cantos. (DN/PIA MIMAROPA-Oriental Mindoro)