Mahigit 600 bag ng dugo, nakolekta sa World Blood Donor Day sa Batangas

LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)— Matagumpay na ipinagdiwang ang World Blood Donor Day na ginanap sa Batangas Sports Coliseum sa lungsod ng Batangas noong ika-14 ng Hunyo matapos maka-kolekta ng 607 bag ng dugo.

Ang blood donation activity ay inisyatibo ng Provincial Blood Council (PBC), kung saan nagsilbing host city ang pamahalaang lungsod ng Batangas.

Ayon kay Ronald Generoso, Red Cross Batangas Chapter Administrator at miyembro ng Batangas PBC, napili nilang idaos ang mass blood donation activity sa lungsod upang magsilbing inspirasyon ang pamamalakad at pamamaraan nito kung paano nila nagagawang makakolekta at mahigitan ang kanilang target na isang porsiyento ng populasyon ng lungsod.

“Ang Lungsod ng Batangas ay isa sa nangunguna sa pagsasagawa ng blood donation activities at nais nating sila ay magsilbing inspirasyon hindi lamang sa ibang mga bayan at lungsod dito sa Batangas kundi maging sa Calabarzon region,” ani Generoso.

Dagdag niya, maging ang lalawigan ng Batangas ay lampas na sa target collection nito at sa huling imbentaryo nila noong Marso 2024 ay nasa mahigit 46 porsiyento na ng kabuuang target ang kanilang nakolekta.

Ang mga dugong nakalap sa programa ay maaaring magamit ng mga Batangueño at iba pang nangangailangan, lalo na ang mga maysakit sa mga ospital sa lalawigan at sa mga karatig-bayan.

Samantala, tuloy-tuloy naman ang regular blood collection activities ng lahat ng sangay ng mga Rural Health Units sa lalawigan ng Batangas. (MPDC/PIA-Batangas)

In other News
Skip to content