Umabot na sa 74,209 katao o katumbas ng 14,830 pamilya ang apektado ng phreatic eruption ng Bulkang Bulusan, ayon sa pinakahuling ulat ng Department of Social Welfare and Development Field Office V (DSWD FO V) ngayong alas-12 ng tanghali, Abril 28, 2025.
Batay sa datos, pinakamaraming apektado ay mula sa bayan ng Irosin na nagtala ng 8,158 pamilya o 40,776 katao mula sa 22 barangay. Sumunod ang Juban na may 2,934 pamilya o 14,671 katao mula sa 10 barangay. Sa Casiguran naman, 1,925 pamilya o 9,625 katao ang naapektuhan mula sa 10 barangay.
Naitala rin ang bilang ng mga apektado sa bayan ng Barcelona may 358 pamilya (1,850 katao) mula sa 2 barangay, sa Bulusan na may 1,300 pamilya (6,500 katao) mula sa 6 barangay, at ang bayan ng Gubat na may 155 pamilya (787 katao) mula sa 1 barangay.
Samantala, dalawang bayan ang nakapagtala ng mga residenteng nailikas sa mga evacuation centers, kabilang ang Irosin, na may 6 pamilya (16 katao), at Juban, na may 13 pamilya (45 katao). Sa kabuuan, 19 pamilya o 61 katao ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation centers.
Patuloy na nagsasagawa ng koordinasyon ang mga lokal na pamahalaan, DSWD, at iba pang ahensya upang matiyak ang kaligtasan at mga pangangailangan ng mga naapektuhang residente.
Patuloy ding pinapayuhan ang publiko na sumunod sa mga opisyal na abiso upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan.