Mahigit P112B ilalaan para sa 4.4M pamilya sa ilalim ng 4Ps

LUNGSOD QUEZON (PIA) — Naglaan ang pamahalaan ng P112.8 bilyon para sa programa ng Department of Social Welfare and Development na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa inihaing 2024 National Expenditure Program.

Ito ay nagpapakita ng malaking pagtaas na nasa P10.23 bilyon kumpara sa badyet sa nakaraang taon at layon nitong tumulong sa mga pinakamahihirap na pamilya sa bansa.

Ang 4Ps program ay nagbibigay ng iba’t ibang cash grant sa mga karapat-dapat na pamilya upang mapabuti ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga benepisyaryo.

Kabilang sa mga cash grant na ito ay ang mga buwanang health subsidy na nagkakahalaga ng P750, edukasyon na nagkakahalaga ng P300-700 kada buwan para sa mahigit na 7 milyong mag-aaral, at rice subsidies na nagkakahalaga ng P600 kada buwan.

Ang pagtaas ng badyet ay dahil sa inaasahang pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral na kwalipikado para sa educational allowances sa darating na taon.

Ang 4Ps program ay bahagi ng mga pagsisikap ng pamahalaan na maiwasan ang kahirapan at magtaguyod ng pagsulong sa aspetong pangkalahatan. Layunin rin nito na  mapabuti ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga bata na may edad 0-18 mula sa pinakamahihirap na mga pamilya. Ang mga nakukuhang benepisyaryo ay nahahanap sa pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR).

Batid ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na mga hamon sa bansa na kinakaharap ng karamihan, lalo na ang mga pinakamahihirap, dahil sa patuloy na epekto ng nagdaang pandemya at iba pang mga sakuna at kalamidad.

Bilang tugon dito, aprubado na ng pamahalaan ang Social Protection Floor (SPF) framework upang magsilbi bilang institusyonalisasyon ng mga umiiral nang mga social protection program sa bansa, kabilang na ang 4Ps, bilang bahagi ng kumprehensibong estratehiya upang mapabuti ang kalagayan ng buhay at malabanan ang kahirapan. (DBM/PIA-NCR)

In other News
Skip to content