Maigting na pagpapatupad ng mga proyekto sa Quezon, inaasahan sa pag-arangkada ng ‘Tulay sa Progreso’ program ng pamahalaaang panlalawigan

LUCENA CITY, Quezon (PIA) — Mas maigting na pagtutulungan sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at mga ahensiya ng gobyerno ang inaasahan sa probinsiya ng Quezon, kasunod ng paglulunsad ng ‘Tulay sa Progreso’ program ng pamahalaang panlalawigan.

Ang nasabing programa ay inisyatiba ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan bilang bahagi ng ‘harmonization’ na isinusulong ng kanyang administrasyon.

Layunin nito na maikonekta ang mga lokal na pamahalaan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa karampatang pondo at iba pang tulong na maaaring ipagkaloob upang mapalawak pa ang mga proyekto sa hinaharap.

“Ang Tulay ng Progreso ay programang magdudugtong sa national government, provincial government, at local government units na may layuning masiguro ang koneksyon ng bawat isa sa paghahatid ng maaasahang serbisyo publiko,” ani Tan.

Kamakailan ay nagtipon ang mga lokal na pamahalaan mula sa una hanggang ikatlong distrito ng lalawigan, kasama ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, bilang pagsisimula ng nasabing programa.

Dito ay inilahad ng mga alkalde ang mga prayoridad na proyekto na ipinatutupad sa kani-kanilang munisipalidad. Tinalakay din sa pagtitipon ang mga programa, proyekto at mga aktibidad nng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.

Ang nasabing pagtitipon ay dinaluhan din nina 1st District Congressman Mark Enverga, 3rd District Congressman Reynan Arrogancia, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa pamumuno ni Vice-Governor Third Alcala at department heads ng pamahalaang panlalawigan.

Isang ‘commitment signing’ naman ang isinagawa bilang pagpapakita ng suporta ng mga lokal na pamahalaan at mga ahensiya ng gobyerno sa Tulay sa Progreso program. (Ruel Orinday, PIA Quezon)

In other News
Skip to content