Malampaya Scheduled Maintenance Shutdown, isasagawa sa Pebrero 4

LUNGSOD NG BATANGAS- Pinangunahan ng Department of Energy at Prime Energy, ang kasalukuyang operator ng Malampaya project ang isasagawang scheduled maintenance shutdown nito na magsisimula sa ika-4  hanggang ika-18 ng Pebrero.

Sa isinagawang Stakeholders Meeting kamakailan, ipinaliwanag ni Roylan Caringal, Community Coordinating Officer ng Malampaya na magsisimula ang pagtigil ng natural gas supply sa Tabangao at Palawan ganap na  12:01 ng madaling araw ng Pebrero 4.

Susundan ito ng flaring activity na magsisimula sa ika-7 ng umaga at tatagal ito ng 30 hanggang 45 minuto.

Ang flaring activity ay isasagawa sa araw taliwas sa nakaugaliang gabi upang maiwasan na makaabala sa mga residente sa paligid ng planta.

Ayon kay Caringal, isinasagawa ang maintenance shutdown kada dalawang taon na layong maubos ang latak ng natural gas at maisulong ang safe, reliable at efficient supply ng natural gas para matugunan ang sapat na enerhiya sa Luzon.

Aniya pa, ito ang ika-labindalawang beses ng pagsasagawa ng shutdown mula nang magsimula ang naturang proyekto noong taong 2001.

Ang shutdown ay tatagal ng 15 araw at ang gas supply ay magreresume sa Pebrero 19.

Nagsagawa ng pakikipag-ugnayan ang Malampaya kasama ang mga kinatawan ng DOE sa pamahalaang panlalawigan ng Batangas, pamahalaang lungsod ng Batangas, Tabangao-Ambulong-Libjo-San Isidro-Malitam communities, local media, BFP at iba pang stakeholders upang ipaalam ang nakatakdang shutdown.

Pinaalalahanan din nito ang publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng naturang maintenance shutdown at sinabing lahat ng mga impormasyon na kanilang pinapalabas ay isinasagawa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga komunidad at stakeholders. (MDC/PIA Batangas )

In other News
Skip to content