LUNGSOD NG KIDAPAWAN, Lalawigan ng Cotabato (PIA) — Pinalalakas ngayon sa lalawigan ng Cotabato ang pagsasagawa ng veterinary mission lalo na ang pagbibigay ng bakuna kontra rabies.
Ito ay bilang pakikiisa ng pamahalaang panlalawigan sa obserbasyon ng Rabies Awareness Month ngayong Marso.
Nabatid na libo-libong pet at farm animal na ang napagserbisyuhan ng Office of the Provincial Veterinarian o OPVet sa serye ng veterinary mission nitong Enero at Pebrero. Ang aktibidad ay isinagawa sa iba’t ibang barangay sa mga bayan ng Matalam, Makilala, Kabacan, Carmen, Kidapawan City, Aleosan, Pikit, M’lang, Magpet, Midsayap, Pigcawayan, Libungan, at Tulunan.
Maliban sa pagbabakuna laban sa rabies isinasagawa rin ang deworming, pagkakapon, treatment sa mga sakit, at pamamahagi ng vitamins.
Ngayong Marso, gagawin naman ang veterinary mission sa mga nalalabi pang barangay ng Pigcawayan, Kidapawan, Arakan, Libungan, at President Roxas.
Kaugnay nito, hinihikayat ni Governor Emmylou Mendoza ang mamamayan na suportahan ang programa lalo na ang pagpapabakuna kontra rabies ng mga alagang hayop. Ito aniya ay upang maiwasan ang pagkalat ng rabies at iba pang sakit ng mga hayop sa lalawigan. (PIA Cotabato City)