LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Matapos isagawa ang ribbon cutting ni Department of Trade and Industry (DTI) Oriental Mindoro Provincial Director Arnel E. Hutalla, CESO V, agad na binuksan sa publiko na may abot kayang presyo ang Matulatula Agrarian Reform Community Cooperative (MARCCO) Mindoren-C Pasalubong Outlet sa Barangay Mahal na Pangalan sa lungsod na ito kamakailan.
Kilala ang MARCCO sa paggawa ng iba’t-bang uri ng produkto hango sa calamansi at dalandan na kung saan ay mabibili din dito. Kabilang din ang mga bagong produktong lokal na ibinebenta ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) at iba pang kooperatiba na siyang nagtatatag ng mga produkto.
Ang samahan ng MARCCO ay isang Agrarian Reform Beneficiary Organization (ARBO) na ginagabayan ng DTI sa ilalim ng DTI-Comprehensive Agrarian Reform Program, Shared Service Facility Project, One Town One Product (OTOP) at iba pang mga proyekto at programa.
Dumalo din sa nasabing aktibidad ay ang mga kinatawan mula sa katuwang na ahensiya tulad ng Department of Agrarian Reform, Cooperative Development Authority, Provincial Agriculture Office, Provincial Cooperative and Enterprise Development Office at iba pa. (DN/PIA-OrMin/DTI-OrMin)