Marinduque Prov’l Gov’t, nakiisa sa pagdiriwang ng PH Civil Service Month

BOAC, Marinduque (PIA) — Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque sa ika-123 taong pagdiriwang ng Philippine Civil Service Month na may temang ‘Transforming Public Service in the Next Decade: Honing Agile and Future-Ready Servant-Heroes’.

Inumpisahan ang gawain sa pamamagitan ng misa ng pasasalamat na pinangunahan ni Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr., ng Diyosesis ng Boac at sinundan ng motorcade mula sa Boac Cathedral patungo sa Marinduque Convention Center (MCC).

Isinagawa ang iba’t ibang programang nagtatampok para sa mga kawani ng pamahalaan gayundin ang pasasalamat ng mga pinuno mula sa Marinduque Provincial Government sa pangunguna nina Vice Gov. Adeline Angeles, Provincial Administrator Vincent Michael Velasco na kumatawan kay Gov. Presbitero Velasco, Jr., Blair Edgar Dimaano, officer-in-charge ng Provincial Human Resource Management Office at Jacinto Mateo III, Provincial Director ng Civil Service Commission (CSC)-Marinduque sa MCC.

Sinabi ni Angeles sa nasabing kick-off program na mahalagang magbalik-tanaw sa sitwasyon ng bansa noong nag-uumpisa pa lamang balangkasin ang Public Law No. 5 o ang ‘Act for the Establishment and Maintenance of an Efficient and Honest Civil Service in the Philippines’ na nilagdaan noong Setyembre 19, 1900.

“Higit nating pahalagahan ang selebrasyon ng serbisyo sibil kung alam natin ang kwento ng kasaysayan kung saan dati ang mga Pilipino ay walang karapatang maglingkod sa pamahalaan sapagkat ibinibigay lamang ito sa mga Espanyol at Amerikano pero dahil sa naturang kasunduan at sistema ay nabigyan tayo ng pagkakataon na makapaglingkod at maging kabahagi ng pamumuno sa pamahalaan,” wika ni Angeles.

“Ang ginagawa po natin ngayon ay hindi lamang pagdiriwang ng Civil Service Commission bagkus ito ay selebrasyon nating lahat na naglilingkod sa pamahalaan kaya mula po sa aming Chairperson Atty. Karlo Nograles, binabati ko kayo ng Happy Civil Service Month Celebration,” pahayag naman ni Jacinto.

Ipinaliwanag din ng pinuno ng CSC-Marinduque ang paksa ng pagdiriwang kung saan ay sumasalamin aniya ito sa sama-samang karanasan ng mga manggagawa ng gobyerno sa bagong normal kung saan ay inaasahan na dapat maging handa at yakapin ang digital transformation para maitaguyod ang kahusayan at mataas na antas ng paglilingkod sa taumbayan.

Sa pagtatapos ng programa ay ipinaabot ng Gobernador ang pasasalamat sa bawat empleyado ng gobyerno, mula sa nasyunal, lokal at pambarangay dahil sa kanilang patuloy na paglalaan ng oras at kontribusyon sa pagsusulong ng pag-unlad ng lalawigan. (RAMJR/PIA MIMAROPA – Marinduque)

In other News
Skip to content