BOAC, Marinduque (PIA) — Simula 2025 ay tatanghalin ng second class province ang Marinduque base sa inilabas na bagong Schedule of Income Classification ng Department of Finance (DOF) para sa mga lalawigan, lungsod at bayan sa ilalim ng First General Income Reclassification, kung saan itinaas ang income classification ng ilang bayan sa lalawigan.
Ngayong taon ay nasa fourth class pa ang klasipikasyon ng Marinduque at ang nasabing pag-angat ng antas nito ay batay sa Republic Act No. 11964 na nagtatakda ng mga saklaw ng kita para sa income reclassification ng mga lalawigan, lungsod, at bayan sa buong bansa.
Ayon sa nasabing batas, binabase ang pag-angat, pananatili o pagbaba ng kita sa pamamagitan ng taunang regular na kita tulad ng real property tax (general fund), permits and licenses, service income, National Tax Allotment (NTA) at iba pa, gayundin ang kabuuang regular na kita sa loob ng tatlong taon (fiscal years).
Nangangahulugan ito na sa taong 2021-2024 ay nakapagtala ang probinsiya ng Marinduque ng mahigit P900,000,000 at hindi bababa sa P1,500,000,000 para tanghalin na second class ang lalawigan mula fourth class na kung saan ay kumikita lamang ito ng mahigit P500,000,000 at hindi bababa sa P700,000,000.
Sa panayam ng isang lokal na programa sa cable network kay Governor Presbitero Velasco, Jr., sinabi niya na “posibleng tumaas ang suweldo ng mga kawani ng pamahalaan dahil sa pagtaas ng klasipikasyon ng lalawigan, ngunit ang sa pribadong sektor ay hindi dahil sakop ito ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board at magkaiba ang sahod ng pribado at sa gobyerno.”
Samantala, nananatiling first class municipality ang mga bayan ng Boac at Santa Cruz, mula third class ay umangat sa second class ang mga bayan ng Gasan, Mogpog at Torrijos habang nasa fourth class pa rin ang bayan ng Buenavista.
Ang bagong klasipikasyon ay bunga ng pinagsamang pagsisikap ng lokal na pamahalaan, mga negosyo, at ng komunidad at inaasahang magdudulot ng mas maraming oportunidad para sa probinsya, dahil magkakaroon ito ng mas malaking bahagi ng pondo mula sa pamahalaan. Ang mga karagdagang yaman na ito ay magagamit para sa pagpapalakas ng imprastraktura, edukasyon, at pangangalaga sa kalusugan.
Sa kaugnay na balita, nananatili sa first class province ang Oriental Mindoro at Palawan, habang ang Occidental Mindoro ay nasa first class mula sa second class, at ang Romblon ngayon ay nasa seconf class mula sa third class province. (DN/PIA MIMAROPA-Marinduque)