Market day para sa mga Food STAMP beneficiaries, binisita

Mura at sariwang gulay at karne, ibinibenta!

LUNGSOD QUEZON, (PIA) – Binisita ni Department of Social Welfare & Development (DSWD) Usec. Eduardo Punay at Asec. Baldr Bringas ang market day ng mga benipisyaryo ng Food STAMP Program ng pamahalaan, Miyerkules (Agosto 16) kasama si DSWD-NCR Assistant Regional Director for Administration Benchie Gonzales.

Samu’t saring gulay, prutas at karne ang makikita sa market day sa Pritil Public Market sa Brgy. 91, Tondo sa lungsod ng Maynila.

Bahagi ang market day sa Food STAMP Program ng DSWD kung saan ang mga benepisyaryo ay mamimili ng mga mura at preskong mga gulay at karne na kinakailangang pagkain para sa kanilang pamilya.

Kasama din sa pagbisita ang mga knatawan ng  World Food Programme (WFP) at Department of Agriculture.

Sa ilalim ng Food STAMP Program, ang bawat benepisyaryo ay may Electronic Benefit Transfer (EBT) card na may lamang 3,000 pesos o food credit kung saan ito ang ipinambibili ng mga gulay, prutas at bigas sa mga Kadiwa food stalls at iba pang accredited stores.

Layunin ng Food STAMP Program na mawakasan ang involuntary hunger at malnutrition ng identified food poor families sa pamamagitan ng pagbibigay ng cash-based assistance. Sa katunayan, ito ang pangalawang beses na bibili ang mga benepisyaryo sa market day.

Malaking tulong na rin umano sa benipisyaryong si Reislyn Ramirez ang 3,000 food credit na pambili ng bigas at ulam.

“Abot isang buwan ang bigas namin kaya pang-ulam na lang ang gagastusin namin, laking tipid sa amin iyon,” pahayag ni Reislyn. (pia-ncr)

In other News
Skip to content