McDonald’s ‘Bahay Bulilit Learning Center,’ opisyal na turn-over sa Pasig

Tinanggap ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang pag turnover ng Bahay Bulilit Learning Center mula sa Ronald McDonald House Charities of the Philippines, Inc. (RMHC). (Mga kuha mula sa Pasig PIO)

PASIG CITY, (PIA) — Magandang balita! Opisyal nang itinurn over ang Bahay Bulilit Learning Center sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, partikular sa Pamahalaang Barangay ng Manggahan, sa isang ceremony na ginanap kamakailan.

Ang nasabing Bahay Bulilit Learning Center ay donasyon mula sa Ronald McDonald House Charities of the Philippines, Inc. (RMHC). Layon ng proyektong ito ng RMHC, sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig, na matugunan ang mga pangangailangan sa early childhood care and development (ECCD), lalo sa Barangay Manggahan.

Nagpasalamat sina Mayor Vico Sotto, Brgy. Manggahan Chairperson Quin Cruz, at Brgy. Manggahan ECCD Teacher Freda Asis sa Mcdonald’s Philippines at RHMC para sa pagkakatayo ng Bahay Bulilit Learning Center.

Ayon sa pamahalaang lungsod, sa tulong ng Bahay Bulilit Learning Center, ang mga mag-aaral ng Manggahan Child Development Center XI ay nagkaroon ng bagong tahanan na siyang makakatulong sa paghasa ng kanilang reading at writing skills para sila ay maging handa sa pagpasok nila sa elementarya. Bukod sa istruktura, kasama rin sa idinonate ng RMHC ang mga libro, laruan, electric fan, lamesa, at upuan para sa mga mag-aaral.

Samantala, kinilala rin ni Mayor Sotto ang sipag, galing, at malasakit ng teachers ng ECCD Centers sa lungsod at sa mga kabataang Pasigueño at binigyang diin niya na malaki ang papel ng teachers ng Day Cares sa edukasyon ng mga bata, lalo na sa pagtuturo ng mga basic na kailangang malaman ng mga ito, tulad ng pagbabasa at pagsusulat.

Dinagdag pa ni Sotto na kung marunong na magbasa at magsulat ang mga bata, susunod na rin ang pagkatuto ng mga ito sa ibang bagay. Kaya naman patuloy pang pag-iibayuhin at pagbubutihin ang ECCD sa Lungsod ng Pasig, sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, partikular ng City Social Welfare and Development Office. (Pasig City/PIA-NCR)

In other News
Skip to content