LUNGSOD NG LUCENA, Quezon- Nakatakdang bumuo ang Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa pakikipagtulungan ng Radyo Pilipinas Lucena at Philippine Information Agency (PIA)-Quezon ng ‘media-communicators network’ upang maging katuwang sa paghahatid ng impormasyon ukol sa kahandaan sa panahon ng kalamidad.
Sa panayam ng PIA-Quezon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Dr. Melchor Avenilla noong Enero 23, inihayag nito na mahalaga na may ugnayan ang sektor ng media at Quezon PDRRMO sa pagkakaroon ng ‘emergency broadcast system’ sa panahon ng kalamidad.
“Dapat ay synchronized ang pagbibigay ng report sa lahat ng media entities para iisa ang lalabas na report at sabay-sabay din ang pagbibigay ng paala-ala sa publiko ukol sa kahandaan sa pagtugon sa kalamidad,” sabi pa ni Avenilla.
Dagdag pa ni Avenilla na may plano na magkaroon din ng pagsasanay sa grupo ng media hinggil sa ‘relief, rescue and monitoring operation’.
Samantala, desidido nnaman ang mga mamamahayag ng Radyo Pilipinas-Lucena at ng Philippine Information Agency-Quezon at iba pang mga mamamahayag sa Quezon sa pagiging miyembro ng Media-Communicators Network upang makatulong sa Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa paghahatid ng mga tamang impormasyon ukol sa paghahanda sa panahon at maging sa pagkatapos ng kalamidad na nangyari sa Quezon. (RMO/PIA Quezon)