ODIONGAN, Romblon (PIA) — Sisimulan nang itayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bayan ng Looc, Romblon ang isang multi-purpose building na tinawag din nilang Mega Government Center.
Ang nasbaing gusali na nagkakahalaga ng P24.5 million ay itatayo sa Barangay Punta at inaasahang matatapos sa unang buwan ng susunod na taon.
Pinangunahan ni Congressman Eleandro Madrona at Looc Mayor Lisette Arboleda ang groundbreaking ceremony na isinagawa noong nakaraang Biyernes, Hulyo 21.
Sa multi-purpose building na ito ilalagay ang tanggapan ng mga Civil Society Organizations (CSO), Municipal Library, Gym, Teen Recreational Center, at magsisilbing venue rin para sa iba’t ibang seminar ng gobyerno na isasagawa sa Looc.
Batay sa invitation to bid na inilabas ng DPWH Romblon District Engineering Office, may mga Mega Government Center din na balak itayo sa mga bayan ng Alcantara, Magdiwang, at Cajidiocan. (PJF/PIA Mimaropa-Romblon)
Ipinakita na sa publiko ang perspective ng Mega Government Center na itatayo sa bayan ng Looc, Romblon ngayong taon. Magsisilbi itong opisina ng iba’t ibang community organizations sa bayan. (Photo Courtesy: Looc Public Information Office)