LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – “Isa sa mga pangunahing hamon sa kapulisan ay ang pagtugon sa mga insidenteng kaugnay ng insurhensiya sa ating lalawigan. Marami ng buhay ang nawala at mga kabuhayang nasira dahil sa mga baluktot na idolohiya at mga walang saysay na ipinaglalaban sa pamamagitan ng armadong pakikibaka,” ang mensahe ni Oriental Mindoro Police Provincial Director Col. Samuel S. Delorino sa isinagawang ‘Simultaneous Launching of Denounce Message to CPP/NPA’ sa ginanap na traditional flag raising ceremony sa Oriental Mindoro Police Provincial Office Parade Ground, Barangay Cacawan, Pinamalayan nitong Agosto 14.
Sinabi pa ni Delorino na itigil na ang karahasan sapagkat ang naiipit lamang ay ang mga mamamayan na walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili at wala rin aniyang nananalo dahil lahat ay talo sa ganitong sistema ng labanan.
Nagbigay ng mensahe si Gob. Humerlito Dolor sa mga rebeldeng grupo na itaas na ang kanilang mga armas at sumuko na upang maging malaya kasama ang mga mahal sa buhay at makamit ang mga benepisyo para sa pagbabagong buhay mula sa pamahalaan. Ginanap ang aktibidad sa Police Provincial Office (PPO) sa Brgy. Cacawan, Pinamalayan kamakailan. (Larawan kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-Mimaropa/OrMin)
Lahat ay nag-aasam ng katahimikan at ang pangarap ng bawat isa na maihanay ang lalawigan sa mga nauna ng naideklarang ‘Insurgency Free’ na lalawigan tulad ng Romblon, Marinduque, Palawan at lungsod ng Puerto Princesa.
Dagdag pa ng direktor na malaki ang magiging positibong epekto nito sa pag-unlad ng lalawigan partikular sa larangan ng ekonomiya at turismo kung magkakaroon din ng ganitong deklarasyon.
“Ang kapulisan, katuwang ang Lokal na Pamahalaan, kasundaluhan, simbahan at komunidad ay sama-samang nananawagan sa mga supporters at miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ng NPA na talikuran na mga teroristang gawain at piliin na magbalik-loob sa gobyerno at mabuhay ng malaya at payapa,” pagtatapos na mensahe ni Delorino.
Samantala, dumalo rin sa nasabing okasyon si Gob. Humerlito ‘Bonz’ Dolor, Department of the Interior and Local Government (DILG) Provincial Director, Maria Victoria J. Del Rosario, kinatawan ng 4th IB na si Maj. Christian De Leon at ang apat na pinuno ng Sangguniang Kabataan mula sa bayan ng Pinamalayan at dalawang katutubong Mangyan galing sa tribo ng Tadyawan sa Victoria na dating rebelde na nagpahayag din ng suporta sa Pamahalaan at pagkondena sa mga teroristang kilusan na itigal na ang karahasan at magbalik loob na sa gobyerno. (DN/PIA MIMAROPA – Oriental Mindoro)