Mga alagang baboy na namatay, nagpositibo sa ASF sa Palawan

LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) — Nag-positibo sa African Swine Fever (ASF) ang mga alagang baboy na namatay sa Isla ng Cocoro sa bayan ng Magsaysay kamakailan.

Ito ang nilalaman ng opisyal na pahayag na inilabas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan noong Agosto 24, 2023.

Ayon sa pahayag, kinumpirma ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry (DA-BAI) na nag-positibo sa ASF ang mga blood sample mula sa mga alagang baboy na ipinadala ng Provincial Veterinary Office (PVO) sa nasabing ahensiya kung saan ito ang naging sanhi ng pagkamatay ng nasa 300 mga alagang baboy sa isla ng Cocoro.

Kaugnay nito, patuloy ang isinasagawang mga hakbang ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng PVO katuwang ang mga Lokal na Pamahalaang Bayan ng Magsaysay at kalapit bayan nito na Cuyo upang maiwasan na kumalat pa sa ibang bahagi ng lalawigan ang kaso ng ASF.

Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang monitoring ng PVO, gayundin ang blood collection, surveillance at quarantine inspection sa ilang paliparan at daungan sa lalawigan.

Mahigpit din ang pakontrol sa pagpalabas at pagpapasok ng mga buhay na baboy, karne at produktong mula sa baboy. Nagsasagawa rin ang PVO ng information education campaign, forum at seminar upang makapagbigay kaalaman sa mga mamamayan hinggil sa ASF.

Nanawagan naman si PVO Officer In-Charge Dr. Darius P. Mangcucang sa kooperasyon ng mamamayan na iwasan ang pagtangkilik sa online ng mga meat products dahil maaari itong may dalang ‘exotic disease.’

Pinaalalahanan din niya ang mga nag-aalaga ng baboy na kung may makitang sintomas o pagkamatay ng mga ito ay ipagbigay-alam kaagad sa PVO o kaya sa sa mga Municipal Agriculture Office. (OCJ/PIA Mimaropa-Palawan)


Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang monitoring ng PVO, gayundin ang blood collection, surveillance at quarantine inspection sa ilang paliparan at daungan sa lalawigan upang makontrol ang pagkalat ng ASF. (Mga Larawan mula sa PIO-Palawan)

In other News
Skip to content