May 73 pares ng tsinelas ang ipamamahagi ng Sangguniang Kabataan Federation sa mga malnourished children sa Sablayan. Ayon kay SK Federation President Elijah Preach Dalangin (gitna), ang mga tsinelas ay makakatulong upang makaiwas ang mga bata sa pagkakaroon ng intestinal worms, na karaniwang nakukuha ng mga walang sapin sa paa. (VND/PIA OccMdo)
SAN JOSE, Occidental Mindoro (PIA) — Mahigit 70 na mga bata mula sa urban barangays ng Sablayan ang nakinabang sa iba’t ibang programa sa idinaos na Bayanihan Day kamakailan bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Volunteer Month (NVM) ngayong Disyembre.
Pangunahing isinagawa ang feeding program ng Municipal Nutrition Action Office (MNAO) kung saan binigyan ng mga pagkaing mayaman sa protina at carbohydrate ang mga natukoy na malnourished children. Ayon sa opisyal ng MNAO na si Jinky Eugenio-Ani, malaking tulong ito sa kalusugan at pandagdag sa timbang ng mga bata.
Nagkaloob naman ng mga tsinelas ang mga Chairperson ng Sangguniang Kabataan (SK) ng 22 barangay ng Sablayan. Sinabi ni SK Federation President Elijah Preach Dalangin, tulong din sa problemang pangkalusugan ang mga tsinelas na ibinigay nila dahil marami sa mga malnourished na bata ay walang sapin sa paa at madaling makakuha ng intestinal worms.
Bukod sa feeding at pamamahagi ng mga tsinelas, kabilang din sa Bayanihan Day ang Book Reading, Face Painting, at pagtalakay tungkol sa oral hygiene na pinamunuan ng Philippine Dental Association. May isinagawa ring mga symposium hinggil sa drug-free environment at teenage pregnancy na dinaluhan ng nasa 80 kabataan ng Sablayan.
Samantala, sa kanyang mensahe sa pagbubukas ng Bayanihan Day, sinabi ni Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (PNVSCA) Executive Director Donald James Gawe, na ang aktibidad sa Sablayan ay ikawalong araw na ng mga gawain kaugnay ng NVM. Aniya, una na silang nakipag-ugnayan sa indigenous peoples, mga paaralan, at iba pang sektor, upang isulong ang bolunterismo.
Naniniwala si Gawe na malaki ang magagawa ng bolunterismo sa pag-unlad ng isang lugar at kung lahat aniya ay isasabuhay ang pagtutulungan at bolunterismo, posibleng wala nang maitalang mahihirap na Pilipino ang pamahalaan. (VND/PIA MIMAROPA – Occidental Mindoro)