Mga benepisyo na makukuha sa PhilHealth, ipinaliwanag

LUNGSOD NG PALAYAN (PIA) — Ipinaliwanag ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang iba’t ibang uri ng benepisyo na ipinagkakaloob sa mga miyembro at dependent nito.

Ito ay isinagawa sa isang talakayan hinggil sa mga programa ng iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan para sa mga taong may kapansanan bilang paggunita sa ika-45 National Disability Prevention and Rehabilitation Week sa Nueva Ecija.

Binigyang linaw ni PhilHealth Local Health Insurance Office (LHIO) Gapan Head Angelito Creencia na maliban sa mga miyembro ay kasama rin sa mga tinutulungan ng ahensiya ang idineklarang dependents na kinabibilangan ng kanilang immediate family members.

Aniya, pareho ang nakukuhang benepisyo ng miyembro at kaniyang dependent na kwalipikado sa limang klase ng programa na inihahandog ng PhilHealth partikular sa panahon ng pagpapagamot.

Una ay ang inpatient benefits na nagbibigay ng diskwento sa pagkakaconfine o admission sa ospital, iba pa rito ang 20 porsyentong diskwento na nakukuha mula sa paggamit ng PWD card.

Ang halaga ng diskwento ay depende sa sakit o dahilan ng pagkaka-admit na ibabawas sa kabuuang bill sa ospital.

Sumunod na benepisyo ay ang Outpatient tulad ang mga sumailalim sa minor surgery na hindi nangangailangang i-confine, kasama rin ang hemodialysis, radiotherapy at outpatient blood transfusion.

Mayroon ding Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) package ang PhilHealth na nagkakaloob ng libreng konsultasyong medikal, laboratory test, at mga maintenance na gamot.

Hinihikayat ni Creencia ang mga mamamayan na tangkilikin ang programang ito na makukuha sa mga accredited na pampublikong ospital at sa mga health center.

Pang-apat na benepisyo na inihahatid ng kagawaran ay Z benefit package para sa mga nangangailangan ng mahabang gamutan tulad ng mga sumasailalim sa chemotherapy na mga cancer patient, kidney transplant, coronary bypass surgery, congenital heart defects sa mga bata at marami pang iba.

Sa Nueva Ecija ay accredited para magbigay ng Z benefit ang Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center.

Bukod pa rito ay mayroon ding benefit package ang PhilHealth para sa mga sumasailalim sa surgical contraception procedures at sa mga nangangailangan ng gamutan para sa mga sakit na Human Immunodeficiency Virus/Acquired Immunodeficiency Syndrome, Tuberculosis, Malaria, at animal bite.

Kaugnay nito ay binigyang linaw ni Creencia na ang bawat miyembro ng PhilHealth ay mayroong kabuuang 45 araw na hospitalization benefit sa kada taon bukod pa rito ang kabuuan din na 45 araw na magagamit ng mga declared dependent.

Aniya, posible na magamit ng magkasunod ang hospitalization benefit depende sa naging sakit o dahilan ng pagkaka-ospital.

Kaniya ring pinayuhan ang mga miyembro na tiyaking tama at kumpleto ang address ng tahanan na nakalagay sa Members Data Record upang masigurong matatanggap ang Benefit Payment Notice (BPN) na ipinadadala matapos mabayaran ng PhilHealth ang ospital.

Pahayag ni Creencia, mahalaga na matanggap ang BPN upang makita at malaman kung tama ang natanggap na benepisyo na ibinawas sa naging gastusin sa pagpapa-ospital.

Kung sakali aniya na kulang ang naiawas na benepisyo ay maaaring ipakita ang BPN sa mismong ospital upang maibalik ang sobrang naibayad ng pasyente.

Maaari rin itong ilapit sa PhilHealth Customer Assistance, Relations and Empowerment Staff na nakatalaga sa mga ospital.

Kung mayroong katanungan tungkol sa mga programa ng PhilHealth ay maaari makipag-ugnayan sa himpilan ng LHIO Cabanatuan na (044) 940-3723 at sa LHIO Gapan na may numerong (044) 486-9570. (CLJD/CCN-PIA 3)

Binigyang linaw ni Philippine Health Insurance Corporation – Local Health Insurance Office Gapan Head Angelito Creencia ang mga maaaring makuhang benepisyo ng mga miyembro at ng mga idineklarang dependent para sa mga kailangang gamutan at pagpapa-ospital. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

In other News
Skip to content