Mga biktima ng bagyong ‘Paeng’ nagtapos sa skills training ng Bangsamoro gov’t

LUNGSOD NG COTABATO (PIA) — Abot sa 116 na indibidwal na matinding naapektuhan ng bagyong ‘Paeng’ mula sa Barangay Kusiong sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ang nagtapos kamakailan sa skills training na isinagawa ng pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa pamamagitan ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education-Technical Education and Skills Development (MBHTE-TESD).

Mula sa nabanggit na bilang ng mga nagsanay, dalawampu’t dalawa ay nagtapos sa electric installation, dalawampu’t lima sa dressmaking, dalawampu’t dalawa sa masonry, dalawampu’t dalawa sa carpentry, at dalawampu’t lima sa cooking.

Ayon sa MBHTE-TESD, maliban sa natanggap na training certificate ay tumanggap din ng cash allowance ang mga nagsipagtapos na kanilang magagamit sa pagsisimula ng kani-kanilang mga negosyo.

Samantala, hinikayat ni MBHTE-TESD Director General Ruby Andong ang mga nagsipagtapos na pakinabangan ang kanilang mga natutunan sa pagsasanay na magiging daan aniya upang mapaunlad ang kanilang buhay.

Ang pagsasanay ng mga benepisyaryo ng MBHTE-TESD ay isinagawa sa iba’t ibang Technical Vocational Institutes sa rehiyon kabilang ang Lttihadun-Nisa’ Foundation, Inc., Illana Bay Integrated Computer College Inc., Farasan Institute of Technology Inc., at Foureych TechVoc. (With reports from MBHTE-TESD).

In other News
Skip to content